BP tumaas ng 200/150… ROBIN, NAHILO HABANG NAMAMASYAL SA SPAIN, BUMAGSAK, NAOSPITAL
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | June 3, 2022

Naisip ni Senator-elect Robin Padilla na pagod at stress ang dahilan kaya siya nag-blackout habang namamasyal sila ng kanyang pamilya sa Spain.
Magmula naman kasi noong nag-ikot si Robin para mangampanya sa pagka-senador ay wala siyang sapat na pahinga at tulog kaya bumigay na ang katawang lupa niya sa pagod.
Matatandaang pagkatapos ng botohan noong Mayo 9 ay lumipad patungong Spain ang mag-iina ni Robin na sina Mariel, Isabela at Gabriella Padilla kasama ang lolo’t lola na sina Ginoong Rafael at Gng. May Sazon.
Sumunod naman ang bagong halal na senador sa pamilya noong Mayo 24 at marahil ay hindi rin siya nakapagpahinga nang husto roon dahil kasama siya sa pamamasyal ng mag-iina niya.
Base sa kuwento ng aktor na pulitiko na ngayon sa kanyang Facebook account nitong Miyerkules ay nagdilim ang paningin niya.
“Napakahirap intindihin ng nangyari sa akin. Wala akong kahit anong sakit pero bigla na lang nawalan ng lakas ang tuhod ko habang naglalakad sa parke, dahilan para kagyat akong umupo sa ilalim ng puno.
“Nagdilim ang paningin ko at bumagsak ako sa puno sa likod ko. Hilung-hilo ako.
“May Espanyol na naririnig ko sa paligid ko. Kinakausap ako, parang nais niya ako alalayan. Ilang sandali ay lumiwanag ang paningin ko, nanumbalik ang lakas ng tuhod ko.
“Dahan-dahan akong tumayo. Inalalayan ako ng Espanyol. Hindi ko siya naiintindihan kaya sabi ko lang, salamat Señor.
“Hinanap ko kung nasaan ang asawa ko. Nakita ko ang dalawa naming kapamilya kasama si Gabzy (bunso nila) na himbing na himbing sa kanyang stroller.
“Wala si Mariel, kasama si Isabela na nakasakay sa isa sa mga rides.
“Nahihirapan na akong huminga. Bumibigat ang dibdib ko. Kailangan ko nang pumunta sa ospital.”
At dahil hindi na kaya ni Binoe ang nararamdaman ay kaagad siyang tumayo, pumara ng taxi at nagpahatid sa hospital pero wala silang mahanap.
“Nag-message ako sa kababata ko na sunduin ako at magdala ng taxi. Nag-message din ako kay Sir Ambassador Lhuillier (Philippe Jones Lhuillier, ambassador ng Pilipinas sa Spain), tulungan ako na makapunta sa ospital.
“Nararamdaman ko na naman na nawawalan ng lakas ang tuhod ko. Parang babagsak na naman ako.
“Pagtingin ko sa kaliwa ng entrance gate, nakita ko ang clinic. Pinuntahan ko agad ito, pumasok at sinalubong ako ng nurse na marunong mag-Ingles.
“Sinabi ko sa kanya ang nangyayari sa akin. Pinaupo niya ako, kinunan ng blood pressure, 200/150.
“Nagulat ang nurse. Inulit (ang pagkuha ng BP), ganu’n ulit. Nagdesisyon siyang tumawag ng ambulance.
“Ilang saglit, dumating na si Mariel at si Isabela. Nagkaroon ako ng ngiti at nakabawas ng pagkagulo ng isip ko,” saad nito.
Dagdag pa ni Robin, “Pinainom ako ng pampababa ng blood pressure pero walang ipinagbago. Dumating ang ambulansiya, sinaksakan ako ng dextrose/ECG. Unti-unting umepekto ang gamot, naging 140/104 (bp). Napanatag ang lahat, dahilan para alisin na ang mga aparato ng ambulansiya. Babayaran sana ni Mariel pero libre pala ang emergency service.”
Pinuntahan naman si Robin ni Ambassador Lhuiller at sinabihang dalhin ito sa hospital para ma-check mabuti.
“Parang Pilipinas din, kailangan ang deposito. May mga tests ang ginawa sa akin. Blood test, X-ray, urine, lahat ay normal. Binigyan lang ako ng gamot sa high blood, good for 5 days,” tsika pa ni Binoe.
Nag-post din ito ng larawang may suot siyang medical tag na may pangalan niya.
Habang isinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa kami sinasagot ni Mariel sa tanong kung kumusta na ang senador. Pero sabi naman ng manager nitong si Betchay Vidanes ay maayos na ang pakiramdam ni Robin.
Nag-post din si Mariel ng tulip flowers na galing kay Robin at pinasalamatan siya.





Comments