Boy Abunda, balik-Kapuso Network
ni Lolet Abania | December 15, 2022

Bumalik na si King of Talk na si Boy Abunda sa Kapuso network matapos na pumirma ito ng kontrata ngayong Huwebes sa GMA Network Center sa Quezon City at bilang kumpirmasyon na rin sa mga unang naglabasang rumors at teasers ng kanyang homecoming sa naturang network.
Kabilang sa mga GMA executives na dumalo sa event ay sina Senior Vice President for Entertainment Lilybeth Gomez-Rasonable, Vice President for GMA Entertainment Group Janine Nacar, Consultant for GMA Entertainment Group Bang Arespacochaga, First Vice President of GMA Entertainment Group Darling Bodegon, at First Vice President at Head of GMA Regional TV and Synergy at acting head of GMA Integrated News Oli Amoroso.
Sina GMA Network Chairman at CEO Atty. Felipe Gozon, GMA Network President at COO Gilberto Duavit Jr., at Executive Vice President at Chief Financial Officer Felipe Yalong ay nagpadala naman ng mga mensahe ng pagbati kay Boy sa pamamagitan ng Zoom.
Sa pagbabalik niya sa GMA, labis ang pasasalamat ni Boy Abunda para sa tiwalang ibinigay sa kanya bilang isang “presenter, social host, interviewer.”
“I will commit to working hard, to doing the best I can to be able to deliver the best entertainment [and] shows that I am going to do with GMA-7,” saad ni Boy.
Sa isang interview noong Nobyembre, nabanggit ni Boy na sa GMA nagsimula ang kanyang career na aniya, “parati kong sinasabi na doon ako natutong maglakad.”
Para kay Kuya Boy Abunda, congratulations.





Comments