BOSSING VIC, ITINUTULAK-TULAK NI MAJA, 'DI PUMAPALAG
ni Nitz Miralles @Bida | May 10, 2023

Ilang beses nang na-interview si Maja Salvador tungkol sa nalalapit nitong kasal sa nobyong si Rambo Nuñez, pero hindi pa rin niya binabanggit ang eksaktong wedding date nila.
Talagang maingat si Maja na hindi mabanggit ang petsa ng kanyang kasal nang matanong uli ang aktres tungkol dito sa naganap na presscon ng comedy sitcom nila ni Vic Sotto na Open 24/7.
Basta sure raw na ikakasal na sila ni Rambo ngayong taon.
Kaya napaisip na lang kami na puwedeng sa first week o second week ng July mangyayari ang nasabing kasal.
Abangan natin sa buwan ng July, dahil ito rin daw ang wedding month nina Cong. Arjo Atayde at Maine Mendoza.
Ang balita pa nga ay tatlong linggo pagkatapos ng kasal nina Maja at Rambo ay sina Arjo at Maine naman ang susunod na ikakasal.
Anyway, natanong si Maja kung bakit sobrang busy niya gayung malapit na siyang ikasal.
Bukod sa sitcom nila ni Vic, may show pa siya sa TV5 na Emojination at marami pa itong ibang pinagkakaabalahan.
"Itong Open 24/7, January pa ito at kung bakit ko tinanggap? Dahil challenging sa akin ang role ng isang kikay, maarte and as Mikaela, lahat sila, magagandahan sa akin, pero guguluhin ko ang mundo ng mga kasama ko sa convenience store nang hindi nila nalalaman. Kahit na sitcom ito, pero kailangan ko pa rin talagang umarte. Kaya kahit may kasal na mangyayari, magtatrabaho pa rin tayo dahil workaholic ako," sagot ni Maja.

Hindi kaya maintriga si Maja sa sinabi niyang 'workaholic' siya kaya nagtatrabaho pa rin kahit malapit nang ikasal?
Matatandaan kasing naglabas pa siya ng statement na nagpaalam sa EB! dahil kailangan na nga raw niyang ayusin ang kanyang kasal.
Anyway, nagkasama na sina Maja at Vic sa programang Eat... Bulaga!, pero iba ang Open 24/7 dahil isa itong sitcom.
Super enjoy daw si Maja na makatrabaho si Vic dahil kahit sobrang tagal na nito sa industriya ay nananatiling humble pa rin at ipinaramdam din ni Vic sa kanya ang tiwala na makasama siya sa bagong sitcom nito.
"Nakakahiya nga dahil kahit ano'ng gawin ko sa kanya, okay lang. Puwede ko siyang itulak-tulak kahit nakakahiya. Isang legend sa showbiz, tapos itutulak-tulak mo lang? In-offer ko nga ang sarili ko na kung may movie siya, isama naman ako. Willing talaga akong mag-audition, if ever meron, makasama ko lang siya sa movie," dagdag ni Maja.
Kasama rin sa cast ng sitcom si Jose Manalo as Vic's brother at ang mga Sparkle GMA artists na sina Sofia Pablo, Allen Ansay, Bruce Roeland, Anyay Anson, Riel Lomadilla, Abed Green at Kimson Tan.





Comments