Boss Emong pinasaya ang mga tagahanga
- BULGAR
- Sep 9, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | September 9, 2023
Masaya na naman ang mga tagahanga ni Boss Emong dahil masisilayan nila ang kanilang paboritong kabayo na tatakbo sa karerahan.
Nakatakdang pumarada sa pista si Boss Emong para sumabak sa Gold House Co. LTD Special Invitational race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, bukas (Linggo).
Muling magpapakitang-gilas ang reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Horse of the Year awardee na si Boss Emong, isa siya sa matitikas na kabayo sa bansa.
Pinasikatan ni Boss Emong noong nakaraan ang mga karerista matapos angkinin ang korona sa 2023 PHILRACOM "A.P. Reyes Memorial Race".
Gagabayan ulit ni jockey Kelvin Abobo si Boss Emong, makakatagisan nila ng bilis ang pitong kabayong nagsaad ng paglahok sa distansiyang 1,800 meter race.
May nakalaan na P300,000 guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang kasali ay sina Ambisioso, Bravo, Jungkook, Life gets Better, Magtotobetsky, Nuclear Bomb at Robin Hood.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang 180,000, mapupunta sa second placer ang P67,500 habang tig- P37,500 at P15,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.
Tatanggap naman ang breeder ng winning horse ng P4,000, inisponsoran ito ng Gold House Co. LTD.
Samantala, maliban sa nabanggit na stakes race ay magpapakawala rin ng mga regular races ang Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya mahaba-haba ang paglilibang ng mga karerista.
Ang mga ilalargang karera bukas ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.





Comments