top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Boss Emong at Super Swerte, magtatagisan sa Gold Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 1, 2022
1 min read

ni Green Lantern - @Renda at Latigo |December 1, 2022


Magku-krus muli ang landas nila Boss Emong at Super Swerte matapos magsaad ang kanilang connections ng pagsali sa 2022 PHILRACOM-PCSO "Presidential Gold Cup" na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.


Magpapatuloy ang karibalan ng dalawang mahuhusay na pangkarerang kabayo sa bansa, nakatakda silang magkita sa pista sa Disyembre 8.


Sasakyan ni star veteran rider Jeffril Zarate si Boss Emong habang si Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie B. Guce ang rerenda kay Super Swerte, sila ang dalawa sa maiinit na kabayo sa industriya ng karera.


May distansiyang 2,000 meter race, ang ibang nagdeklara ng pagsali ay sina Ambisioso, Big Lagoon, Heneral Kalentong, Real Gold, Sky Shot, Spandau Ballet, Victorious Colt at War Cannon.


Tumataginting na P10-M garantisadong premyo ang naghihintay sa 10 tigasing kabayo kung saan susungkitin ng winning horse owner ang P6M kaya paniguradong maghahanda ng todo ang mga trainers at hinete para maging maganda at mas lalong sumaya ang pagdiriwang nila ng Pasko.


"Magandang laban 'yan, tiyak na masisiyahan ang mga makakapanood ng laban, dahil ang laki sobra ng premyo," wika ni Ricardo Rivera, veteran karerista.


Hahamigin ng pangalawang tatawid sa meta ang P2M, may P1M sa pangatlo habang tig-P500,000, P300,000 at P100,000 ang fourth, fifth at sixth placers ayon sa pagkakahilera.


Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Inaasahang masisiyahan ang mga karerista sa mga labanan ngayong Disyembre.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page