Boss Emong at Don Julio, nagpalamon ng alikabok
- BULGAR
- Jun 26, 2023
- 2 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 26, 2023
Napanood ng mataas na pinuno ng Maynila ang husay ni Boss Emong nang sikwatin nito ang korona sa 2023 Araw ng Maynila "Gran Copa De Manila" na inilarga noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Nasa mismong karerahan siya kaya nasaksihan nito ng live ang nasabing stakes race at pagdomina ni Boss Emong sa simula pa ng karera kung saan ay hinarurot agad ng winning horse ang unahan.
"This was a collaborative effort between the city government of Manila and the PHILRACOM to make this event a very successful one. Nandito din po yung ating mga city government officials, mga department heads, mga barangay officials who came here all the way from Manila just to support the culminating event in celebration of our city's day," saad ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Napahirapan ng bahagya si Boss Emong ang paghawak ng bandera dahil kinapitan siya ng Life Gets Better at binuliglig ito hanggang sa huling 800 metro ng karera.
Pero hindi natinag sa unahan ang winning horse at umungos ito ng bahagya sa far turn.
Umabot sa dalawang kabayo ang lamang ng Boss Emong sa mga kalaban nito sa homestretch kaya naman kahit malakas ang dating ng Don Julio sa rektahan ay nauna pa rin siyang tumawid sa meta.
Ginabayan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang Boss Emong, inirehistro nito ang tiyempong 1:39 minuto sa 1,600 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Kinubra ng winning horse owner na si Kennedy Morales ang P600,000 premyo sa pagkakapanalo ni Boss Emong habang P225,000 ang hinamig ng second placer na si Don Julio.
Pangatlong dumating sa finish line si Jungkook at nabingwit nito ang P125,000 na consolation.





Comments