Boss Emong at Big Lagoon magkaribal sa Turf, Malvar
- BULGAR
- Apr 26, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 26, 2023
Magtatagpo sa pista ang dalawa sa mahuhusay at mahigpit na magkaribal na sina Boss Emong at Big Lagoon sa 2023 PHILRACOM Chairman’s Cup Division I na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas sa Linggo.
Palaging mainit ang bakbakan ng dalawang nabanggit na kabayo kapag nagtatapat ang mga ito sa pista lalo na kapag malalaking stakes race, nagpapalitan lamang ng panbalo sina Boss Emong at Big Lagoon sa tuwing maglalaban ang mga ito sa sinasalihang derby.
Kasalukuyang Presidential Gold Cup champion si Big Lagoon habang si Boss Emong ang hinirang na Philippine Sportswriters Association, (PSA) Horse of the Year.
Nakaraan lamang ay tinalo ni Boss Emong si Big Lagoon sa naganap na Classic Cup sa parehong pista kaya tiyak na hangad ng una na makabawi.
Rerendahan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate si Boss Emong habang si John Alvin Guce ang gagabay kay Big Lagoon sa karerang nakalaan ang P2.5M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
May distansiyang 2,000 meter race, ang ibang kalahok ay sina Ambisioso, Cam From Behind, Don Julio, Gomezian at Robin Hood sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P1.5M premyo, mapupunta sa second placer ang P500,000, ibubulsa ng tersero ang P250,000 habang tig-P125,000, P75,000 at P50,000 ang fourth hanggang sixth ayon sa pagkakasunod. May hahamigin din ang breeder ng winning horse na P125,000 habang tig-P75,000 at P50,000 ang second at third.





Comments