Boss Emong at Big Lagoon magkakasubukan sa Turf
- BULGAR
- Oct 19, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 19, 2023
Nagkakaliskisan sa pista ang dalawang kampeon na sina Boss Emong at Big Lagoon sa magaganap na 2023 PHILRACOM - PCSO Silver Cup na ilalarga sa Oktubre 29 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Tiyak na bakbakan ang masisilayan ng mga karerista dahil mahigpit na magkaribal sa karerahan sina Philippine Sportswriters Association - Horse of the Year awardee, Boss Emong at reigning Presidential Gold Cup champion na si Big Lagoon. Ilang beses na rin nagtapat sa karerahan sina Boss Emong at Big Lagoon kung saan tinalo ng una ang huli sa Classic Cup ngayong taon.
Pagkaraan ng ilang linggo ay binawian naman ni Big Lagoon si Boss Emong sa Chairman's Cup.
Si veteran jockey Dan Camanero ang rerenda kay Boss Emong habang si John Alvin Guce ang gagabay kay Big Lagoon sa distansiyang 1,800 meter race kung saan nakataya ang tumataginting na P4-M premyo na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Inaasahang magpapakitang-gilas din ang magka-kuwadrang sina Moderne Cong at Robin Hood.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P2.4M, ang ibang kalahok ay sina Don Julio, Jaguar, Jungkook, King Tiger, Nuclear Bomb at War Cannon.
Hahamigin ng pangalawang kabayong tatawid sa finish line ang P800,000 mapupunta sa pangatlo ang P400,000 habang tig-P200,000, P120,000 at P80,000 ang 4th hanggang 6th placers ayon sa pagkakasunod. Susungkitin din ang P200,000 ng breeder ng winning horse habang tig-P120,000 at P80,000 ang second at third.
Samantala, paniguradong todo sa paghahanda ang mga trainer at hinete dahil malaki ang pa-premyo ng PCSO, suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli De Leon ang nasabing karera.





Comments