Booster Shot roll-out para sa mga Health Workers, good!
- BULGAR
- Nov 18, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | November 18, 2021
SANGREKWA na ang supply ng COVID vaccines sa ‘Pinas.
Klap-klap-klap!
◘◘◘
SA wakas, pinakinggan din ang ating pakiusap, sinimulan na noong Miyerkules ang booster shot roll-out para sa mga health workers o medical frontliners.
At huwag ka, puwedeng mamili ng brand ng bakuna — Pfizer, AstraZeneca, at Sinovac!
◘◘◘
SA kabuuan, bumababa na ang bilang ng mga nagkaka-COVID.
Pero, may ilang lugar na tumataas pa rin ang bilang ng nahahawa rito.
Ibig sabihin, diretso pa rin dapat ang pag-iingat laban sa pandemya!
◘◘◘
TODO-TODO ang pasasalamat ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at ng grupong BTS sa Kongreso.
Kabilang sila sa mga nangungulit sa DOH at kay Sec. Duque na mabigyan ng booster shot ang mga health workers, senior citizens at immune-compromised mula pa noong Agosto.
◘◘◘
ISINAPORMAL ito sa House Resolution noong September 13, 2021.
Dalawang beses sumulat si Cayetano kay Sec. Duque at IATF upang kumbinsihing ipatupad ang booster shot sa mga health workers, senior citizens at immune-compromised.
◘◘◘
HINDI lamang ito malaking hakbang para protektahan hindi lamang ang health workers kundi ang buong sambayanang Filipino mula sa COVID-19.
Ayon kay Cayetano, ito ay isa ring booster shot sa ekonomiya dahil marami na namang negosyo ang muling magbubukas.
Marami na namang hanapbuhay ang maaaring makamtan ng ating mga kababayan!
◘◘◘
ITINAKDA ang 3-day national vaccination program sa buong bansa.
Pangontra ito sa bagong sub-variant ng Delta variant na nakapasok na sa iba’t ibang bansa sa Europa maging sa Amerika.
◘◘◘
ANG sub-variant ay 15% na mas nakahahawa sa iba pang COVID variant kaya hindi talaga tayo dapat magpatumpik-tumpik.
Napakaimportante ng booster shosts na ‘to para sa priority group dahil ‘ika nga, “Time is running out”.
◘◘◘
KAILANGANG mabigyan ng proteksiyon ang mga health workers dahil hindi lamang COVID ang sakit na kanilang kinahaharap.
Sila ay buhay na bayani sa panahon ng pandemya!





Comments