Bookies ng ilegalista, “untouchable” na sa buong bansa ‘pag naging pangulo si “Yorme”, buwisit!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 22, 2021
MAYOR SARA AT YORME ISKO, AYAW KUNO MAGING PANGULO, PERO NAGPAPAHIWATIG—Tulad ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, nagpahiwatig na rin si Manila Mayor Isko Moreno ng interes na sumabak sa 2022 presidential election.
Dati kasi, sinabi nina Mayor Sara at Mayor Isko na hindi sila kakandidato sa 2022 presidential election, pero sa huling interview ng media sa presidential daughter, “maybe” ang sagot niya kung lalahok siya election 2022, at sa interview naman ay sinabi ni “Yorme” ay natural lang sa lahat ng pulitikong tulad niya na mag-asam ng mas mataas na posisyon sa pamahalaan.
Hay naku, noong una ay kunwaring aayaw-ayaw pa sina Mayor Sara at “Yorme” na maging pangulo, ‘yun pala ay gustung-gusto rin, boom!
◘◘◘
KAPALARAN NI MAYOR SARA, BAKA MATULAD SA KAPALARAN NI EX-DILG SEC. MAR ROXAS—Hindi porke na maraming trapo (traditional politician) ang kumukumbinse kay Mayor Sara na tumakbong pangulo ay sure win na siya kasi baka matulad siya sa kapalaran ni ex-DILG Sec. Mar Roxas na maraming trapo rin ang humimok na tumakbong pangulo noong 2016 presidential election, pero natalo.
Normal lang sa mga trapo na himukin ang mga taong malalapit sa pangulo na kumandidato sa presidential election, tulad ni Mayor Sara na anak ni P-Duterte at Mar Roxas na BFF ni ex-P-Noy kasi ang hangarin ng mga trapo ay magbigyan sila ng Malacañang ng budget pang-eleksiyon, pero kapag nabigyan na, iniiwan na sa ere ang “manok” ng Palasyo at nagpopokus na lang silasa sarili nilang kandidatura, period!
◘◘◘
MAGIGING UNTOUCHABLE SA ‘PINAS ANG BOOKIES NI “BOY ABANG” KAPAG NAGING PANGULO SI “YORME”—Ang pahiwatig ni “Yorme Isko” na kumandidatong pangulo, tiyak na ikinatuwa ng nagpapakilalang “ninong” niya na gambling lord ng Maynila na si “Boy Abang”.
Sakali namang makatsambang maging pangulo si “Yorme”, hindi lang sa Maynila magiging untouchable ang pa-bookies niya, kundi sa buong Pilipinas na, buwisit!
◘◘◘
NPD DIRECTOR GEN. HIDALGO, BAKA IPASIBAK NI P-DUTERTE KAY PNP CHIEF ELEAZAR DAHIL SA “PERYA NG BAYAN”—Isang alyas Renel daw ang nag-o-operate ngayon ng ala-jueteng operation na “Perya ng Bayan” sa CAMANAVA (Caloocan City, Malabon, Navotas at Valenzuela).
Dapat ipa-“tokhang” agad ni NPD (Northern Police District) Director, Gen. Jose Hidalgo si “Renel” kasi baka ipasibak siya ni P-Duterte kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar dahil ipinagbabawal ng pangulo ang operasyon ng “Perya ng Bayan”, tapos sa kanyang jurisidiction may nag-o-operate ng kanyang uri ng pasugalan, period!





Comments