Booker ng Suns, nanusta; Wolves, nanakmal ng 2OT
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 29, 2021

Isa pang malaking hamon ang nilampasan ng rumaragasang Phoenix Suns at pinatumba nila ang numero unong NBA Eastern Conference na Brooklyn Nets, 113-107, kahapon sa Barclays Center. Ito na ang ika-16 sunod na panalo ng Suns na umakyat sa 17-3 at patuloy ang paghabol sa Golden State Warriors para sa liderato ng buong liga.
Lamang ng 48 minuto ang Suns at sumandal sa mainit na shooting ni Devin Booker na gumawa ng 30 puntos at sinundan ni Chris Paul sa 22 puntos. Nabitin ang huling banat ng Nets sa likod ni Kevin Durant na may 39 puntos kung saan naibaba sa anim ang 97-75 na lamang ng Phoenix.
Nakaganti ang Utah Jazz sa bisitang New Orleans Pelicans, 127-105, sa likod ng 21 puntos ni Donovan Mitchell at tig-20 puntos. Nakabalik galing health protocol si Joel Embiid subalit nanalo ang Minnesota Timberwolves laban sa kanyang Philadelphia 76ers sa dalawang overtime, 121-120. Ipinasok ni Taurean Prince ang bola na may 4.8 segundo sa orasan upang ibalik ang lamang sa Minnesota at matapos ang timeout.
Kumuha ng lakas ang Timberwolves kay D’Angelo Russell na may 35 puntos. Nasayang ang 42 puntos at 14 rebound ni Embiid para sa 76ers.
Matapos matalo ng 15 sunod, dalawang sunod na ang panalo ng Houston Rockets at wagi sila sa Charlotte Hornets sa overtime, 146-143. Nanguna sa Houston si sentro Christian Wood na may 33 puntos.
Pinaso ng Miami Heat ang Chicago Bulls, 107-104. Sa iba pang laro, nagwagi ang New York Knicks sa Atlanta Hawks, 99-90. Nanalo ang Washington Wizards sa Dallas Mavericks, 120-114, at Cleveland Cavaliers vs. Orlando Magic, 105-92.





Comments