Booker, matikas sa Suns; 3 laro sa NBA, kanselado
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 21, 2021

Bilang pag-iingat sa lumalalang dami ng kaso ng COVID-19 sa liga, nagpasya ang NBA na ipagpaliban ang tatlong laro kahapon. Dagdag din dito ang dalawa pang hiwalay na laro na gaganapin sana ngayong araw at bukas.
Apektado ang laro ng Denver Nuggets sa Brooklyn Nets, Cleveland Cavaliers sa Atlanta Hawks at New Orleans Pelicans sa Philadelphia 76ers. Lalaro dapat ngayong araw ang Orlando Magic sa Toronto Raptors at bukas ay Washington Wizards sa Brooklyn.
Kahit balot sa alanganin, tuloy pa rin ang mga laro kahapon at tinambakan ng Phoenix Suns ang bisitang Charlotte Hornets, 137-106, sa Footprint Center. Gumawa ng 16 puntos ang nagbalik galing sa pilay na si Devin Booker habang double-double si Deandre Ayton na 15 puntos at numero pa rin ang Suns sa buong NBA na may 24-5 panalo-talo.
Matapos ipasok sa health protocol, magaling na si DeMar DeRozan at bumawi agad para sa nawalang panahon sa 38 puntos upang ipanalo ang Chicago Bulls kontra Los Angeles Lakers, 115-110, na naglaro na wala si Coach Frank Vogel na pumasok sa protocol.
Maliban sa talo, masamang balita sa Lakers mahinang isang buwan 'di makakalaro si Anthony Davis para magpagaling sa knee injury na natamo noong Sabado.
Nakapulot ng bihirang talo ang kulelat ng Eastern Conference na Detroit Pistons laban sa Miami Heat, 100-90. Nagtala ng 26 puntos si Saddiq Bey para sa ika-limang panalo ng Detroit sa 29 laro ngayong taon.
Tinalo ni Dillon Brooks na may 37 puntos si Damian Lillard na may 32 puntos sa kanilang personal na dwelo subalit sina Lillard at Portland Trail Blazers ang umuwing dala ang tagumpay, 105-100.





Comments