Boobay, inilihim sa ama ang pagiging bakla
- BULGAR
- Feb 29, 2024
- 1 min read
ni Eli San Miguel - Trainee @Entertainment | February 29, 2024

Ibinahagi ng komedyanteng si Boobay na itinago niya sa kanyang mga magulang ang pagiging bakla, lalo na sa kanyang ama na isang sundalo.
Ikinuwento niya sa isang episode ng programang "Sarap 'Di Ba?" na noong high school siya nagsimulang makaramdam ng pagkagusto sa kapwa niya lalaki. Binanggit din niya na nagkaroon pa siya ng girlfriend noong second year high school.
"Tapos parang, ay... parang may something. Parang mas naano ako [attract] sa ano [lalaki]," kuwento ni Boobay.
Itinago niya umano sa kanyang mga magulang ang kanyang nararamdaman at nagawa niya pang magpanggap, lalo na't sundalo ang kanyang ama.
“‘Yung tatay ko, sundalo, so lagi siyang nasa destino. Kapag umuuwi ng probinsya sa amin sa Zambales nagpapanggap talaga na parang ano talaga ako [lalaki]," balik-tanaw niya.
Sinabi rin ni Boobay na umabot ang paglilihim niya hanggang kolehiyo.
“Minsan, nag-iisa ako, 'Ano'ng gagawin ko? Ano ba, ilalabas ko na ba 'to sa tatay ko?' May mga ganu’n ako sa tatay ko," aniya.
Sa kabila ng hindi direktang paglaladlad, sinabi ni Boobay na tinapik lang siya ng kanyang ama pagkatapos ng graduation niya sa college at nagkaunawaan na sila.
"Tinap [tap] niya lang ako, ‘Ah, okey.’ Proud daw siya sa akin," sabi ng komedyante.
Gayunpaman, naiintindihan daw ni Boobay na posibleng nakaramdam lang ang kanyang ama ng takot para sa kanya dahil sa mga negatibong sinasabi tungkol sa mga bakla.
Wala naman daw siyang problema sa kanyang ina na all-out ang support sa kanya.




Comments