Bola ni Shai ng OKC Thunder, naghimala, Paul, bida sa Suns
- BULGAR
- Jan 24, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 24, 2023

Naka-shoot na may 9.2 segundo sa orasan si Shai Gilgeous-Alexander at buhatin ang bisitang Oklahoma City Thunder sa 101-99 gulat sa nangungunang Denver Nuggets sa NBA kahapon mula sa Ball Arena. Hindi nakalapit ang humahabol na Memphis Grizzlies sa liderato ng Western Conference at nagwagi sa kanila ang Phoenix Suns.
Galing sa timeout, pinasahan ni Josh Giddey si SGA para sa nagpapanalong puntos.
Bago noon ay itinabla ni Zeke Nnaji ang iskor sa 99-99 sa kanyang dalawang free throw na may 30.4 sa orasan.
Nagtapos si SGA na may 34 at sinundan ni Giddey na may 18 puntos. Nanatili ang agwat ng numero unong Nuggets (33-14) at Grizzlies (31-15).
Lamang ang Phoenix papasok sa last two minutes, 107-101, at kinailangan ang apat na paniguradong free throw nina Cam Johnson at Dario Saric upang ipantay ang kanilang kartada sa 24-24. Nanguna sa Suns si Chris Paul na may 22 puntos at 11 assist.
Bumanat ng todo ang Los Angeles Lakers sa 4th quarter upang lumusot sa Portland Trail Blazers, 121-112. Gumawa ng 37 puntos si LeBron James at 224 na lang ang kailangan upang lampasan ang 38,387 ni Kareem Abdul Jabbar para sa pinakamarami sa kasaysayan sa NBA.
Tumira ng tres si Royce O’Neale at sinundan ng mga free throw ni Kyrie Irving sa huling 28 segundo upang magwagi ang Brooklyn Nets sa World Champion Golden State Warriors, 120-116. Ipinasok ni Irving ang 12 ng kanyang 38 puntos sa 4th quarter.
Humabol ang Miami Heat mula sa 31-47 sa 2nd quarter upang mabigo ang New Orleans Pelicans, 100-96. Binuhay ang pagbalik ng Heat nina Jimmy Butler at Kyle Lowry para hindi masayang ang 26 puntos ni Tyler Herro, 15 sa first half.





Comments