Boat Buying at Winner Parade, determinado
- BULGAR
- May 6, 2023
- 2 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | May 6, 2023
Puntirya ng magkakamping sina Boat Buying at Winner Parade na sumungkit ng panalo sa sasalihan nilang 2023 PHILRACOM "Hopeful Stakes Race" na ilalarga sa Mayo 13 sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Makakatagisan ng bilis ng Boat Buying at Winner Parade ang siyam na tigasing kalahok sa distansiyang 1,600 meter race kung saan ay nakalaan ang P1.5-M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Sasakyan ni class A rider Kelvin Abobo si Boat Buying at si John Alvin Guce ang gagabay kay Winner Parade habang ang ibang kasali ay ang Badboy MJ, Borrowed Heaven, Earli Boating, Grand Monarch, Mano Po, Rough Cut, Sweetie Giselle at Take A Chance.
Mag-uuwi ang mananalong kabayo ng P900,000, mapupunta sa segunda ang P300,000 at P150,000 sa pangatlo habang tig-P75,000, P45,000 at P30,000 ang fourth hanggang sixth placers ayon sa pagkakahilera.
Tatanggap din ng P75,000 ang breeder ng winning horse habang tig-P45,000 at P30,000 ang second at third sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Komento ng mga karerista ay posibleng masilayan ng husay ang kalahok na Grand Monarch na gagabayan ni Conrad Henson at Earli Boating na dadalhin ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema.
Papasanin ng Fillies na kabayo ang 52 kgs. habang 54 kgs. ang kakargahin ng Colts, inaasahang naghahanda na ang mga trainers at jockey kasama ang kanilang pambatong pangarera upang masikwat ang inaasam na panalo.
Samantala, tiyak na masisiyahan ang mga karerista sa pakarera ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw ng Sabado at bukas ng Linggo dahil mga balanseng lineup ang kanilang pakakawalan.





Comments