Blue Eagles at Green Archers, itinaob ang FEU at Adamson
ni VA - @Sports | April 1, 2022

Ipinakita ng Ateneo de Manila University ang kanilang lakas makaraang durugin ang Adamson University, 78-47 kahapon sa UAAP Season 84 men's basketball tournament sa Mall of Asia Arena. Dahil sa panalo, umangat ang three-time defending champions sa markang 3-0 na nagpalawig sa kanilang winning run sa 29 games mula noong 2018. Lahat ng player na ipinasok ni coach Tab Baldwin ay umiskor para sa Blue Eagles na naitala ang pinakamalaking winning margin sa torneo.
Nanguna sa naturang panalo si Angelo Kouame na may double double 13 puntos at 10 rebounds, kasunod sina Tyler Tio at Chris Koon na may tig-9 na puntos. "We think everybody has a job to do, and today, we were able to get everybody on the court, which we needed to do," ayon pa kay Baldwin.
"The energy was really good out there." "We had a l apse in the second quarter, and we gotta figure out why we have lapses in games," dagdag nito."But we recovered in the second half, and the energy was good." Wala naman ni isang Adamson player na umiskor ng double-digits. Ang top scorer sa kanila ay sina Keith Zaldivar at Lenda Douanga na mayroon lamang tig-6 na puntos. Bunga ng kabiguan, bumaba ang Falcons sa markang 1-2.
Sa ikalawang laro, hindi naman nagpahuli ang De La Salle University na tinudla rin ang ikatlong dikit na panalo matapos pataubin ang Far Eastern University, 75-65, para manatiling kasalo ng Ateneo sa pamumuno.
Nagtala ng 20 puntos, 11 rebounds, 2 steals at tig-isang block at steal si Justine Baltazar upang pangunahan ang nasabing panalo ng Green Archers.
Nanguna naman para sa Tamaraws na bumagsak sa markang 1-2, panalo-talo si LJ Gonzales na may 17 puntos, 4 na rebounds, 3 assists at 4 na steals.





Comments