Blazers nasa top spot na, Greenies vs. Squires sa Finals
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 11, 2023

Nanatili sa taas ng NCAA Season 98 Women’s Volleyball Tournament ang defending champion College of Saint Benilde at humahabol na University of Perpetual Help System-DALTA matapos nilang parehong walisin sa tatlong set ang mga kalaro Biyernes sa San Andres Sports Complex sa Maynila. Malinis pa rin ang Lady Blazers sa 7-0 habang hindi nalalayo ang Lady Altas sa 5-1 panalo-talo.
Madaling iniligpit ng Saint Benilde ang hamon ng Letran Lady Knights, 25-19, 25-18 at 25-22. Malaking pagbawi ito ng mga manlalaro ni Coach Jerry Yee na kinailangang dumaan sa sagad na limang set sa huling dalawang laban kontra Mapua University at Lyceum of the Philippines.
Patuloy ang mahusay na torneo ni Gayle Pascual na nagtala ng 17 puntos at sinuportahan ni Jade Gentapia na may 15 at dalawa na lang ang kailangan para sa bihirang 9-0 kartada sa elimination round. Bumaba ang Lady Knights sa 4-2 na tabla kasama ang Mapua at Lyceum.
Sa unang laro, itinala ng Lady Altas ang 25-12, 25-20 at 25-23 tagumpay sa San Beda University. Nalagay sa alanganin ang Lady Red Spikers at iisa pa lang ang panalo sa anim na laro.
Sumandal ang Perpetual sa pangkalahatang ipinamalas ni Mary Rhose Dapol na may 20 puntos at anim na service ace. Nilundagan nila ang dating pumapangalawang Arellano University Lady Chiefs na nasa 4-2.
Samantala, nakamit ng La Salle Green Hills ang nalalabing tiket sa Juniors Basketball Finals matapos pababain sa trono ang defending champion San Beda University-Rizal, 89-85, noong Huwebes sa parehong palaruan. Haharapin ng Greenies ang nauna nang nakapasok at numero uno na Colegio de San de Letran Squires sa isang seryeng best-of-three simula ngayong Lunes, Marso 13, sa San Andres pa rin simula 2:30 ng hapon.





Comments