Blackburn, nanggulat sa Condition Race
- BULGAR
- Jan 30, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | January 30, 2023
Ginulat ni Blackburn ang mga karerista nang manalo sa Condition Race kahapon sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Dehadong nanalo si Blackburn kaya marami agad ang nalaglag sa 1st Pick 6 matapos silatin ang magka-kuwadra at outstanding favorite na Magtotobetsky at Robin Hood.
Lumabas na pang-anim ang Blackburn na sinakyan ni jockey Rico Suson, pinanood nito ang matulin sa arangkadahan na Asiong.
Papalapit ng huling kurbada ay umuusad paunti-unti si Blackburn sa unahan at sa may tabing balya ito dumaan.
Pagsapit ng huling 100 metro ng laban sa rektahan ay biglang umagaw ng unahan ang Blackburn at tinawid nito ang meta ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang Runawayfromrosenot.
Inilista ni Blackburn ang 1:25. 2 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si BC Coching ang P10,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Samantala, nitong nakaraan ay nasilayan ang husay ni Tell Bell sa Trial Race kaya posibleng isa siya sa babantayan ng kanyang mga katunggali sa magaganap na 2023 PHILRACOM 3-Year-Old Maiden Stakes Race na ilalarga sa nasabing karerahan sa Pebrero 12, 2023, (Linggo).
Ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jonathan Hernandez, inungusan ni Tell Bell sina Prime Billing at Glamour Girle na mga kasali rin sa nasabing stakes race.
Ang ibang lalahok sa nasabing malaking karera sa distansiyang 1,400 meter race ay sina Grand Moments, Cash On Hand, Chrome Bell, Melania, Runway Ten at Song Bird.
Nakalaan ang P1.2-M garantisadong premyo, hahamigin ng unang kabayong tatawid sa meta ang P720,000.





Comments