Blackburn, magilas
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 22, 2021
Bongga agad ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa unang karera kahapon, magandang laban ang nasilayan ng mga karerista.
Nagwagi si Blackburn sa MARHO-Petron Corporation and Skyway 3 Trophy race na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) at ng San Miguel Corporation ang event. Inilista ni Blackburn ang 1:23.6 minuto sa 1,400 meter race upang ibulsa ng may-aring si Bayani Coching ang dagdag premyo na P100,000.
Nirendahan ni jockey JD Juco, sumegundo kay Blackburn si Calle Loreto, tersero si Westeros habang pang-apat si Top Czar.
Hindi nagpadaig si Big Battle, kuminang sa MARHO Breeders' 2-Year-Old Juvenile Colts.
Ginabayan ni AR Villegas, inirehistro ni Big Battle ang impresibong 1:25.6 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng horse owner na si Mariano Tirona ang premyong P300,000.
Pumangalawa si Lauriatismo na nagbulsa ng P112,500 habang napunta ang P62,500 at P25,000 kina Full Combat Order at Moves Like Jagger na dumating na 3rd at 4th placers ayon sa pagkakasunod. Sinungkit ng winning breeder ang P25,000.Nanalo sa MARHO Breeders' Sprint si Weather Lang na inilarga sa race 2.
Umoras si Weather Lang na sinakyan ni JL Paano ang 0.57 segundo sa 1,000 meter race.
Pangalawang tumawid si Born To Run, pangatlo si Stardust habang 4th si Silab.
Nakopo ni Weather Lang ang P300,000 na premyo habang P112,500 ang napunta kay Born To Run.





Comments