top of page

Bisa ng post-employment restrictions

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 6
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 6, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nagtatrabaho ako sa isang accounting firm. Nakasaad sa aming kontrata na kami ay bawal magtrabaho sa ibang mga accounting firm sa loob ng isang taon pagkatapos ng aming pagbibitiw sa aming kumpanya. Kung lalabag sa nasabing probisyon ng kontratang ito, kinakailangan naming magbayad ng penalty na hindi bababa sa P100,000.00. Ang pagbabawal ba na ito ay naaayon sa batas? -- Kate



Dear Kate,


Ang probisyon na iyong binabanggit sa kontrata ay ang tinatawag na non-compete clause. Ito ay isang uri ng post-employment restrictions. Sa ganitong uri ng sugnay, ang isang dating empleyado ay ipinagbabawal na direktang makipagkumpitensya sa dating kumpanya sa sandaling umalis na ito sa trabaho, sa pamamagitan ng pagkuha ng trabaho mula sa isang katunggali o pagtatayo ng sariling negosyo na nasa parehong linya ng negosyo ng kanyang dating kumpanya. 


Tulad ng anumang iba pang kasunduan, dapat sundin ang Artikulo 1306 ng New Civil Code of the Philippines, na nagtatakda na bagama’t ang mga partido ay maaaring malayang magtakda ng mga sugnay, hindi dapat ito sumasalungat sa batas, moralidad, mabuting kaugalian, kaayusan ng publiko, o patakarang pampubliko. Sa kaso na Rolando C. Rivera vs. Solidbank Corporation (G.R. No. 163269, April 19, 2006, sa panulat ni Honorable Associate Justice Romeo J. Callejo, Sr.) ay ipinaliwanag ng Korte Suprema ang mga salik na isasaalang-alang kung ang non-compete clause ay makatwiran:


  1. whether the covenant protects a legitimate business interest of the employer; 

  2. whether the covenant creates an undue burden on the employee;

  3. whether the covenant is injurious to the public welfare; 

  4. whether the time and territorial limitations contained in the covenant are reasonable; and 

  5. whether the restraint is reasonable from the standpoint of public policy.”


Sa parehong kaso, pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang non-compete clause dahil hindi ito makatwiran dala ng kawalan ng limitasyon sa heograpiya. Sa kabilang banda, sa kaso naman ng Century Properties, Inc. vs. Edwin J. Babiano and Emma B. Concepcion (G.R. No. 220978, July 05, 2016, sa panulat ni Honorable Associate Justice Estela Perlas - Bernabe) kinatigan ng hukuman ang bisa ng isang non-compete clause sa kabila ng kawalan ng isang partikular na limitasyon sa heograpiya at sinabi na ito ay para makapagbigay ng patas at makatwirang proteksyon sa employer. Sa kasong ito, ang sangkot na empleyado ay humahawak ng “highly sensitive and confidential managerial position.”


Samakatuwid, dapat bigyang-diin ang naunang pahayag ng korte na ang mga partikular na mga pangyayari ng bawat kaso ay dapat suriin upang matukoy ang bisa at pagiging makatwiran ng isang post-employment clause. Tulad sa iyong sitwasyon, kung ang non-compete clause ay hindi makatwiran o mapang-api, maaaring hindi rin maipatupad ito dahil salungat sa patakarang pampubliko. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page