top of page
Search
  • BULGAR

Binuong komite para sa railway projects, napapanahon

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Abril 5, 2024



Napapanahon ang pagbuo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) noong nakaraang Martes (Abril 2) ng isang inter-agency committee upang pangasiwaan ang mga aktibidad ng right-of-way (ROW) acquisition ng pamahalaan para sa iba’t ibang railway projects sa bansa. 


Sa ilalim ng Administrative Order No. 19 s. 2024 na kamakailan lamang nilagdaan ni PBBM, ang Inter-Agency Committee para sa ROW Activities sa National Railway Projects ay inatasang pag-aralan at suriin ang epektibong pakikipagtulungang mekanismo upang mapabilis ang proseso ng pag-asikaso ng lupa na kinakailangan para sa implementasyon ng lahat ng mga proyektong may kaugnayan sa paglalagay ng riles. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Public Works ay labis ang ating pagsaludo kay PBBM sa kanyang desisyon para mapabilis ang matagal nang naaantalang mga proyekto patungkol sa railways. 


Ang nabanggit na komite ay pangungunahan ng kalihim ng Department of Transportation (DOTr) at magiging co-chaired naman ng kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development. 


Ang bagong buong komiteng ito ay may mandato rin na tukuyin ang angkop na mga serbisyo o programa tungkol sa pag-asikaso ng lupa -- tulad ng kabuhayan, pagbabalik ng kita, at resettlement. 


Bukod dito, may kapangyarihan itong pagsamahin at patakbuhin ang mga sangay ng ahensya upang mapabilis ang pagbabadyet, pag-uusap at pagresolba sa mga isyu ng reklamo, at pagbuo ng mga teknikal na grupo ng trabaho. 


Our President is really both a visionary and a realist. Sinisiguro niya na ang mga pangarap na makamit ng ating bansa ay nakaangkla sa konkretong plano at aksyon.


PBBM is really bringing our country to greater heights. With this new committee to focus on right-of-way, we see more railway projects coming into reality. 


Ibig sabihin, itinatag ni PBBM ang Inter-Agency Committee for Right of Way Activities para sa national railway projects upang maging episyente at maayos ang proseso sa pagbili ng mga lupa sa implementasyon ng lahat ng railway projects sa bansa. 


Ang pagbuo ng inter-agency committee ay nakapaloob sa inilabas na administrative order No. 19 na inisyu ng Malacañang nitong March 25 na magsisilbing sandata rin upang masiguro na walang maaagrabyado kahit isa nating kababayan sa mga ilalagay na riles at maapektuhan ang kanilang mga lupain. 


Kabilang sa magiging mandato ng komite ay pakikipag-ugnayan sa implementasyon ng railway projects, pagbalangkas at pag-apruba ng mga polisiya, pagtukoy ng mga angkop na serbisyo at programa gaya ng livelihood, resettlement at pagpapanumbalik sa kita ng mga kababayan natin na maapektuhan sa mga railway projects. 


Kabilang sa mga malalaking priority project ng administrasyon sa transportation sector ay ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway System, Mindanao Railway Project at ang PNR South Long Haul, na layuning mapalakas ang mobility, connectivity at pag-unlad ng mga lugar sa labas ng malalaking lungsod sa bansa. 


Sa kabuuan ay bibilis na matapos ang mga itatayong railway sa bansa sa tulong ng bagong tatag na komite dahil labis na itong pinananabikan ng marami nating kababayan. 


Napakalaking hakbangin nito tungo sa pag-unlad ng bansa dahil makasasabay na ang marami sa atin sa bilis ng takbo ng teknolohiya tulad ng nararanasan sa ibang bansa. 


Inaasahang papalo rin pataas ang ating ekonomiya kasabay ng mga bubuksang ruta ng transportasyon na isa sa nakikitang magpapagaan sa sitwasyon ng ating mga kababayan. 


Sana lang ay hindi na magdulot ng kahit anong negatibong dahilan ng pagkaantala pa ng mga nakahanay na proyekto upang masilayan na natin ang napakagandang legasiya na iiwan sa atin ni PBBM sa panahon ng kanyang panunungkulan. 


Suportahan natin ang pagsulong ng Pilipinas at isa-isantabi na muna ang labis na pamumulitika dahil para sa bayan ang lahat ng ito!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page