top of page
Search
  • BULGAR

Binababoy ng mga opisyal ng gobyerno ang sagradong political exercise ng demokratikong gobyerno

ni Ka Ambo - @Bistado | October 10, 2021



Tapos na ang pagsusumite ng COC.


Pero, puwede pa ang substitution.


Hanggang Nob. 15 pa para mag-sirko!


◘◘◘


HANGGA’T hindi pa tapos ng substitution, hindi pa rin mapapanatag ang mga tao.


Sari-sari pa ring espekulasyon ang lilitaw.


'Yan ay dahil sa isang precedent na sinimulan ni P-Digong!


◘◘◘


ISA ring maselang isyu ang pagkandidato sa mas mababang posisyon ng mga opisyal na may term-limit sa kandidatura.


Tulad sa Mandaluyong, kumandidato bilang vice-mayor ang dating mayor at ikinandidato naman ang ama na may sobra-sobra nang edad!


◘◘◘


MAAARING magbitiw ang matandang kandidato sakaling magwaging mayor dahil sa katandaan o sakit.


Siyempre, uupong mayor naman sakaling magwaging vice-mayor ang dating mayor na sinagkaan ng term-limit.


'Yan ay isang butas na batas na dapat magkaroon ng malinaw na interpretation ang Korte Suprema.


Nababalewala ang intensiyon ng batas kaugnay ng term-limit!


◘◘◘


ISANG isyu rin na lumutang nang magdeklara si P-Digong na kakandidatong pangalawang pangulo pero bumaha ang kritiko at batikos.


Imbes na siya ang kumandidato, nagsumite ng COC ang kanyang alter-ego na si Bong Go bilang kandidatong vice-president!


◘◘◘


NASORPRESA naman ang lahat nang biglang mag-hain ng COC si Sen. Bato dela Rosa bilang kandidatong pangulo.


Naghihinala ang ilan na gagamitin ni Meyor Sara ang slot ninuman kina Dela Rosa at Go upang makatakbo bilang pangulo o pangalawang pangulo gamit ang inaabusong “substitution”!


◘◘◘


DAPAT irebyung mabuti ang batas kaugnay ng term-limit at batas sa substitution.


Dapat ding ipawalambisa ang batas na puwedeng kumandidato ang active elected official sa higher position—nang hindi magbibitiw at puwedeng bumalik sa puwesto sakaling magwagi.


Ang probisyong ito ay masyadong inaabuso kaya’t dumarami ang kandidato na walang intensiyong lumaban sa halalan, kundi para takasan lamang ang isang lehitimong proseso ng election process!


◘◘◘


BINABABOY mismo ng mga opisyal ng gobyerno ang sagradong political exercise na siyang pundasyon ng demokratikong gobyerno.


Kapag binababoy ang pundasyon, humihina mismo ang Republika.


Isang klase rin ito ng korupsiyon sa mataas na antas ng sustansiya ng batas.


Maunawaaan sana ito ng lahat!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page