Bilyong pisong pondo sa flood control project sa Bicol, saan napunta?
- BULGAR
- Oct 28, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 28, 2024

MARCOS ADMIN, DAPAT GUMAMIT NG ‘KAMAY NA BAKAL’ LABAN SA ILLEGAL MINING AT QUARRYING SA SIERRA MADRE DAHIL ANG BUNDOK NA ITO KALASAG NG MAMAMAYAN SA MALALAKAS NA BAGYO -- Matapos manalasa ang Super Typhoon Kristine sa Bicol Region at Southern Tagalog Region, ang next sana nitong sasalantain ay ang Central Luzon at Northern Luzon, pero hindi gaanong nakapaminsala ang bagyo dahil bago ito mag-landfall sa Isabela ay tumama ito sa malawak na bundok ng Sierra Madre.
Marami ng mga malalakas na bagyo ang humihina kapag tumama sa Sierra Madre, kaya’t sana gumamit na ng “kamay na bakal” ang Marcos administration para matigil na ang mga illegal mining at illegal quarrying sa Sierra Madre dahil ang bundok na ito ang tanging kalasag ng mamamayan sa mga super typhoon na pumapasok sa bansa, period!
XXX
SANA ANG MALACANANG PATI MGA GOVERNOR, TULAD NI BULACAN GOV. FERNANDO NA MAY ‘BALLS’ SA PAGLABAN SA ILLEGAL MINING AT QUARRYING -- Kung paggamit ng “kamay na bakal” laban sa mga illegal mining at illegal quarrying ang pag-uusapan, talo pa ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang national government.
Nang mabuwisit kasi si Gov. Fernando sa mga nagsasagawa ng illegal mining at illegal quarrying na sumisira sa kalikasan at sa mga kalsada, noong Agosto 24, 2022 ay sinuspinde nito ang permit ng lahat ng mga mining at quarrying companies sa Bulacan, at makalipas ang dalawang buwan saka lang ni-lift ang suspensyon noong October 20, 2022 nang mangako ang mga mining and quarrying companies na makipagtulungan laban sa illegal mining at quarrying, gayunman, binalaan sila ng gobernador na kapag may nagsagawa uli ng illegal mining at quarrying, tanggal agad ang kanilang permit.
Sana ang Malacanang at maging ang lahat ng governor tulad ni Gov. Fernando na may “balls” sa paglaban sa mga illegal mining at quarrying para matigil na ang pagsasamantala ng mga mining at quarrying companies sa pagsira sa kalikasan, period!
XXX
PAGASA PARANG NANANAKOT, KASI PUWEDE NAMANG ‘KUTING’ ANG IPANGALAN
SA BAGYO, EH ‘LEON’ ANG IPINANGALAN -- Kalalabas lang sa bansa ng mapaminsalang si “Kristine” pero imbes pakalmahin ng PAGASA ang mamamayan, mistulang nanakot pa nang ipangalan nilang “Leon” ang bagong bagyong papasok sa ‘Pinas.
Nasabi natin na mistulang nanakot, kasi puwede namang pangalanan ng PAGASA na “Kuting” ang paparating na bagyo, eh mantakin n’yong “Leon” ang ipinangalan dito, boom!
XXX
HINDI PALA P9.4B LANG ANG BUDGET SA FLOOD CONTROL PROJECT SA BICOL, KUNDI P61B, KAYA DAPAT IMBESTIGAHAN ITO NG SENADO KUNG SAAN NAPUNTA -- Ayon kay Sen. Joel Villanueva, wala raw katotohanan ang kumalat sa social media na higit P9.4 billion ang budget sa flood control project sa Bicol, dahil ayon daw sa kanyang pagkakaalam ay nasa P61B ito.
Ganu’n? Aba’y mas malaki pala, kaya dapat imbestigahan ito ng Senado saan ito napunta kasi kung ito ay ginasta sa flood control project, hindi sana nakaranas ng lagpas-tao na baha ang mga taga-Bicol, period!
Comments