top of page
Search
BULGAR

Billboards, nagdudulot ng traffic distraction

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 12, 2024


Binigyang-pansin natin ang mga may-ari at operators ng mga naglalakihang billboards na tila kabuteng nagsulputan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa ito ay delikado at posibleng magdulot ng kapahamakan sa ating mga kababayan partikular na sa mga motorista.


Sa aking isinumiteng Resolution No. 924, ipinaliwanag ko ang mga istrakturang ito sa lansangan na lubhang mapanganib sa mga motorista at ito ay binigyang pansin din ng mga advocate hinggil sa kaligtasan sa kalsada.


Katulad na lamang ng LED billboards na nagiging sanhi ng pagkagambala sa mga taong bumibiyahe at nasa manibela dahil sa mga nakakasilaw na ilaw at gumagalaw o may pinapalabas sa monitor na billboards at lubhang lumalawak na ang pangamba patungkol sa safety ng mga mamamayan.


Gayundin, gaano ba katibay ang mga structure ng mga billboards na ito na lubhang mapanganib sa oras na may kalamidad katulad ng bagyo o pagbaha, at lindol.


Kailangang matiyak natin ang kaligtasan ng mga motorista sa mga posibleng aksidente at kapahamakan na maaaring dahil sa mga naglalakihang billboards at lubhang nakakaabala ng atensyon ang mga ito lalo na ang mga kumukutitap na ilaw na maaaring magdulot ng disgrasya.


Hindi lamang ito maituturing na driving destruction at nakaambang panganib lalo na ‘yung tibay ng structure nito na kapag humampas ang malalakas na hangin sa tuwing may bagyo ay posibleng matumba. At ang higit na panganib nito ay kapag nagkakaroon ng lindol. Ang mga structure na ito ay lalo pang magpapalala sa sitwasyon kapag nagresulta ito ng kapahamakan na dapat naman nating maiwasan.


Kung matatandaan natin noong Marso 2022, inisyu ang Executive Order (EO) No. 165 upang magtalaga ng regulasyon para sa out-of-home advertising signs at billboards, sa dahilang nagdudulot ito ng traffic distractions at panganib hindi lamang sa mga motorista kundi pati na rin sa publiko.


Bilang chairman ng Committee on Public Works, inatasan ko na ang mga may-ari at operators ng naglalakihang billboards na ito na sumunod sa regulasyon hanggang sa darating na Marso 2024, dalawang taon makalipas ang pag-isyu ng EO.


Malapit na ang deadline na itinakda ng EO at kailangan nating suriin kung sumunod ba sa mga panuntunan at batayan ang mga billboard owners at operators na ito at nararapat lamang na panagutin ‘yung mga hanggang ngayon ay nagmamatigas pa rin.


Magpapatawag din ako ng public hearing makaraang i-refer ito sa Committee on Public Works upang mapag-usapan ang nabanggit na resolusyon na aking isinumite at isasalang natin agad ang pagdinig sa lalong madaling-panahon. Hangad ko rin na mapaigting ang ating mga batas ukol sa pagpapatupad ng ganitong klaseng advertisements. Agad natin itong pag-uusapan.


Huwag na nating hintaying may mabagsakan bago pa tayo kumilos. 


Lilinawin ko na hindi naman ako kontra sa advertising industry lalo pa at taga-pelikula ako at alam ko ang halaga ng tinatawag nating ad/prom o advertising and promotion.


Subalit, kailangan natin ng maayos at ligtas itong uri ng advertising dahil naglipana na at naglalakihan pa.


Kung matatandaan natin, dati ang mga billboard ay sa ibabaw lang ng building at gilid ng mga kalsada nakalagay, pero ngayon sa gitna na ng mga kalsada at pati nga tawiran ng mga kalsada ay mayroon na.


Hindi naman natin tinutukoy ang mismong content o laman ng mga billboard dahil baka maging isyu pa ‘yan ng freedom of speech and expression, at may presumption na lang tayo na maayos ang kanilang pagsunod. 


Susuriin natin ang mga billboard na ‘yan kung mabuti ba ang kanilang lokasyon gayundin, ang mga motion billboard at mayroon pang LED na lubhang delikado lalo na sa gabi.


Nais nating busisiin ang mga obligasyon ng ating mga ahensya maging ng mga local government units (LGUs).


Uulitin ko, hindi tayo kontra sa advertising na ‘yan pero dapat nating ayusin.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page