top of page
Search
BULGAR

Billboard, kahit binaklas na… MARIS AT ANTHONY, ‘DI RAW TINANGGAL NA ENDORSER NG ALAK

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Dec. 14, 2024



Photo: Anthony Jennings at Maris Racal - Instagram


Hindi pa rin humuhupa ang usaping Maris Racal at Anthony Jennings kahit pareho nang nagpaliwanag at humingi na ng ‘sorry’ ang bawat isa sa mga taong nasaktan nila.


Sa Showbiz Now Na (SNN) online show nina Nanay Cristy Fermin, Wendell Alvarez at Romel Chika ay napag-usapan nila ang dalawa dahil naging viral daw ang pagbaklas sa mga billboards ng ilang produktong ineendorso ni Maris (sabay pakita ng larawan ng mga taong nagbabaklas).


Simula ni ‘Nay Cristy, “‘Yun pong napanood natin sa social media, ‘yung may naka-post na binabaklas ang billboard ni Maris na SMB (San Miguel Beer), may isang kaibigan po ako na nagsabi na, ‘No, it didn’t come from SMB.’


“Maaaring ‘yung mga nagbaklas, may mga tao ‘yan, eh, na may taga-lagay, may taga-ano na ‘pag bumabagyo, may taga-tiklop ng mga tarpaulin. 


“Hindi po sa kanila (SMB) galing ‘yun at hindi nila babastusin ang kanilang endorser. Pero maliwanag pa po sa sikat ng araw sa tanghaling tapat na ang dami nilang nawalang negosyo (endorsements sabay pakita ng larawan).”


Singit naman ni Romel Chika, “Oo, ang daming nagsabi na isasalba na lang nila ang sarili nilang produkto.”


Sang-ayon din itong malakas talaga ang impluwensiya ng mga artista bilang endorser dahil kapag nakita ng mga ordinaryong tao ay kaagad nilang sinusubukan ang mga ito.

Nasambit din ni ‘Nay Cristy na gumastos ang mga nasabing kumpanya ng promo, billboards at iba pang promo materials.


“Alam mo kung bakit nagkakatanggal-tanggal ang mga endorsements? Siyempre, may kontrata ‘yan. Meron d’yang kontrata na naka-stipulate na bawal masangkot sa anumang iskandalo at bawal kontrahin ang nakasulat doon sa kontrata. 


“At kung nagamit na nila ‘yung kontrata halimbawa 6 months at P5M ang kontrata, ‘yung P2.5M, ibabalik nila ‘yun.


“Kaya ‘pag may iskandalo ang mga endorser, hindi muna inilalabas ‘yan kasi ina-avoid nila na dapat matapos muna ang kontrata para wala na silang isoling pera sa kumpanya,” paliwanag ni ‘Nay Cristy.


At kaya hindi napigilan itong kina Anthony at Maris na pumutok ang isyu ay dahil naglabas daw ng ebidensiya si Jam Villanueva na ex-girlfriend ng aktor.


“Natulala silang lahat, hindi nila sukat-akalain na si Jam Villanueva na inyong nilalait-lait, hayan (naglabas ng ebidensiya) para mailigtas na ang kanyang sarili,” sabi pa ni ‘Nay Cristy.


 

Nang huli naming makausap ang premyadong aktor na si Allen Dizon ay inamin niyang mas gusto niya ang award bilang artista, kasunod lang ang box office success bilang producer.


Kaya nga raw medyo mapili siya sa mga roles na ginagampanan dahil gusto niya ay naiiba sa mga dati na niyang nagawa, na totoo naman dahil hindi na mabilang sa mga daliri sa kamay at paa kung ilan na ang tropeong naka-display ngayon sa bahay niya from international to local award-giving bodies.


At heto, may bago na naman siyang tinanggap na pelikula, ang Unconditional Love (UL) at ang role niya ay transman o babae na naging lalaki.


Sa story conference ng UL ay aminado si Allen na wala siyang ideya sa gagampanan niyang karakter, kaya marami siyang tinanungan tungkol dito at para lubos na maintindihan ay nakipag-ugnayan ang produksiyon ng manager niyang si Dennis Evangelista kay Nil Nodalo, presidente ng Transman Pilipinas, kung saan ipinaliwanag nito ang lahat ng proseso.


Si Rhian Ramos kasi ang gaganap na girlfriend ni Allen na natatakot siyang sabihin kung sino talaga siya dahil baka magbago ang pagtingin sa kanya, lalo na kapag nagkaroon na sila ng eksenang kakailanganin ng intimacy.


Nang makatsikahan namin si Allen ay hindi pa sila nag-shoot, kaya wala pa siya gaanong maibahagi sa mga eksena at kaya kabado pa rin siya.


Si Jerry Gracio ang sumulat ng script mula sa direksiyon ni Adolfo Alix, Jr. at kasama rin sa pelikula sina Lotlot de Leon, Elizabeth Oropesa, Paolo Gumabao, Rico Barrera, Brandon Ramirez, at Joel Lamangan.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page