top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Bilis-kilos para sa DPWH at LGUs para matiyak na ligtas ang mga imprastruktura matapos ang lindol

BULGAR
Jul 29, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 29 , 2022


Nagulantang tayong lahat makaraang sumabog ang balita hinggil sa pagyanig ng napakaraming lugar sa bansa noong Miyerkules ng umaga na sumira ng napakaraming ari-arian at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng mga nasira.


Minuto pa lamang ang nagdaan ay agad na nating inatasan ang Department of Public Works And Highways (DPWH) na magsagawa ng inspeksyon sa mga lugar na labis na naapektuhan ng lindol upang matiyak na hindi na magdudulot pa ng panibagong kapahamakan ang mga nayanig na imprastraktura.


Kasabay nito ay naghain agad tayo ng resolusyon na humihimok sa DPWH at sa lahat ng Local Government Units (LGUs) na magsagawa ng agarang audit at review ng mga building at imprastruktura sa kani-kanilang nasasakupan upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan.


Ito ang Senate Resolution No. 67, kung saan nakapaloob na dapat makasigurong nakatugon sa full compliance sa standard na inilabas ng National Building Code hinggil sa structural safety and integrity ang mga kababayan nating nagmamay-ari o namahala sa pagpapatayo ng imprastruktura.


Dahil sa ganitong paraan lamang natin masisiguro ang kaligtasan ng bawat isa at mabibigyan natin ang ating mga kababayan ng karampatang proteksyon sa kanilang ari-arian at makapagtayo ng mas maayos at matibay na imprastruktura.


Kabilang din sa resolusyon ang pagrepaso sa umiiral na national building code upang matukoy kung akma pa ba ito sa kasalukuyang sitwasyon o panahon na para amyendahan para mas makatulong sa ating mga kababayan.


Malaking bagay ang geographical position ng ating bansa, kung saan humigit-kumulang sa 20 bagyo ang dumaraan sa ating Area of Responsibility (AOR) taun-taon bukod pa sa lindol at pagputok ng mga bulkan.


Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tinatayang nasa 100 hanggang 150 earthquakes kada taon na may magnitude na 4.0 pataas ang ating nararanasan mula pa noong 1600 hanggang sa mga unang buwan ng 2000.


Sa nagdaang 45-taon simula ng ipatupad ang National Building Code noong 1977 ay hindi na mabilang ang grabeng pagkawasak ng ari-arian at pagkasawi ng marami nating kababayan ang ating naranasan dahil sa lindol.


Isa sa hindi makalilimutan ay ang Bohol earthquake noong Oktubre 2013 na umabot din sa magnitude 7.3, kung saan ay nasa 1.2 milyong katao ang naapektuhan, 222 ang nasawi at mahigit sa 79,000 imprastruktura ang nawasak kabilang na ang kabahayan, kalsada, simbahan, eskwelahan at pampublikong gusali na umabot sa 14,500 ang nasira.


Isa pa sa nagmarka ay ang Laoag earthquake noong Agosto 1983 na umabot naman sa magnitude 5.3 na pumaslang naman ng labing-anim na tao at agarang sumira sa maraming lugar.


Grabe rin ang masamang alala na iniwan ng Baguio earthquake noong Hulyo 1990 na umabot naman sa magnitude 7.7 na halos mawasak ang buong lugar, nag-collapse ang mga gusali na naging sanhi ng pagkamatay mahigit sa 1,000 katao.


At ngayon ay heto naman ang 7.3 magnitude earthquake na yumanig sa iba’t ibang bahagi ng Luzon na sumira rin ng napakaraming imprastruktura na, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang epicenter nito ay naitalang dalawang kilometro mula sa hilagang bahagi ng Lagangilang, Abra bandang alas-8:43 ng umaga.


Klinasipika ito ng Phivolcs na ‘major earthquake’ kasabay ng pagbibigay ng babala na posible pang magdulot ng paulit-ulit na aftershocks na mararanasan sa pagdaan pa ng mga linggo at buwan.


Ang major earthquake ay developing event na araw-araw ay may matutuklasan tayong pinsala dahil sa mga isasagawang pag-iinspeksyon at magpapalaki nang magpapalaki sa kabuang pinsala kaya inaasahang itong buong linggong ito ay puro lindol pa rin ang mga maglalabasang ulat.


Isa sa matinding dagok sa atin ng lindol ay ang papalapit na pagbubukas ng klase dahil alam naman nating nahaharap pa sa malaking gastusin ang Department of Education (DepEd) para sa pagsasaayos ng mga eskwelahan, ngunit inabot pa tayo ng ganitong trahedya.


Mahalagang-mahalaga ang mainspeksyon sa mas mabilis na panahon ang mga gusali, tulay, lalo na ang mga paaralan dahil sa lubhang napakadelikado, lalo na ‘yung mga nayanig lang pero hindi nawasak at nagkalamat lang.


Mas mabuti pa ‘yung mga gusaling nawasak dahil ang solusyon lamang sa mga ito ay ipagawa ng panibago, ngunit ang mga nagkalamat lang na gusali, pader o tulay ay kailangang desisyunan ng eksperto kung dapat pa bang gamitin o hindi na.


Mamaya ay akalain ng ating mga kababayan na puwede pa, pero nang gamitin ay biglang gumuho kaya dapat aksyunan agad.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page