Bilib na bilib kay Janine…

HIRIT NG NETIZENS: MGA ARTISTA NG SIYETE, 'DI NA BULOK UMARTE 'PAG NAPUNTA SA DOS
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | January 21, 2021

Umabot na sa 130 komento ang nabasa namin sa official teaser ng pelikulang Dito at Doon na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez at JC Santos na naka-upload ngayon sa TBA Studios YouTube channel na iisa ang sinasabi, “Another master piece of Direk JP Habac."
Si Direk JP ang direktor ng I’m Drunk, I Love You na pelikula nina Paulo Avelino at Maja Salvador noong 2017 produced ng TBA Studios.
Base rin sa mga komento ay natutuwa sila sa paglipat ni Janine sa Kapamilya Network.
Ang ilan sa mga nabasa namin ay ang mga sumusunod:
Mula kay @kapitan Meroy, “Ngayon ko napatunayan na hindi bulok ang artista sa 7, ang directing lang talaga.”
Sagot naman ni @davebautista, “Magagaling (ang) artists ng GMA-7.”
Say naman ni @Cinephile, “Well, she is no longer a Kapuso actress which means she will have more projects:)”
Totoo naman ang sinabi ni @davebautista na magagaling ang mga artista ng GMA-7 pero hindi lahat, mangilan-ngilan lang, dahil sa pagkakaintindi namin ay hindi sila kukuning gumawa ng pelikula sa Star Cinema at idirek ng in-house directors kung hindi sila nakikitaan ng galing.
Obviously, pawang hit ang mga pelikulang ginawa nina Dingdong Dantes, Jennylyn Mercado, Richard Gutierrez, Isabelle Daza, Solenn Heussaff, Benjamin Alves, Rhian Ramos, Dennis Trillo at Alden Richards.
Sa madaling salita, piling-pili ang mga nabanggit na artista na kinomisyon ng ABS-CBN at Star Cinema, kaya sa mga hindi kasama ay alam n’yo na.
Tungkol naman sa lagi naming naririnig, “Bakit sa Star Cinema, humusay umarte, so nasa direktor lang talaga?” well, ang publiko na ang humusga sa mga nabanggit kung may nabago sa acting ability nila noong hinawakan sila ng in-house directors ng ABS-CBN at Star Cinema.
Going back to Janine ay mahusay siya talaga dahil in fairness din naman sa GMA-7 ay nakailang Best Actress award siya sa mga pelikula bago siya napunta sa ABS-CBN. ‘Yun nga lang, wala pa siyang award sa mga teleseryeng nagawa niya sa Kapuso Network.
Isa pang pinuri sa pelikulang Dito at Doon ay ang soundtrack na kinanta ng Ben & Ben na may titulong Nakikinig Ka Ba Sa Akin na ini-launch ng grupo nu'ng Hulyo 1, 2020 sa panahon ng Covid-19 pandemic.
Sakto naman din dahil ang kuwento ng Dito at Doon ay tungkol sa nabuong pag-ibig nina JC at Janine sa panahon ng quarantine na isinyut nila habang pandemic at natapos lang bago mag-Pasko nitong year 2020.
Sa panayam ni MJ Felipe ng TV Patrol kina JC at Janine sa ginanap na promo shoot ng Dito at Doon, ayon sa aktor, “Tinackle namin kung ano ‘yung puwedeng mabuong relationship sa panahon ng pandemya na lahat ng tao ay hina-hide ang emosyon. Ang karakter ko rito ay delivery boy.”
Sabi naman ni Janine, “Ako naman ay very maprinsipyo, ma-tweet ng kung anu-anong nararamdaman niya tungkol sa mga bagay-bagay sa Pilipinas (hmmm…true to life?) at meron siyang nakaaway.”
Dito magsisimula ang kuwento ng Dito at Doon na magkaaway ang mga karakter nina JC at Janine na sa bandang huli ay magiging sila pala. Pero bago naman nangyari ay katakut-takot na debate ang naganap sa dalawa.
Halos lahat ng pelikulang nagawa ni JC ay puro hugot, bagay na hindi pa nagawa ni Janine kaya aminado ang dalaga na na-challenge siya rito, “It’s a new experience.”
Pero ang pinaka-goal ng aktres kaya niya tinanggap ang pelikula sa panahon ng pandemya ay, “Masaya ako na nabigyan ng mga trabaho ang mga artista, ‘yung crew and staff kasi matagal bago naka-adjust ang entertainment industry.”
Kung walang pagbabago ay sa Marso, 2021 ito nakatakdang ipalabas ng TBA Studios. Bukod kina JC at Janine ay kasama rin sina Victor Anastacio (O Shopping host), Yesh Burce at Lotlot de Leon mula sa panulat nina Alex Gonzales at Kristin Barrameda.





Comments