Bilang ng taon sa kolehiyo, dapat bawasan
- BULGAR

- Mar 27, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 27, 2025

Simula School Year (SY) 2025-2026 ay unti-unting ipapatupad ng Department of Education (DepEd) ang bagong curriculum ng senior high school (SHS).
Sa ilalim ng bagong curriculum, magiging dalawa na lamang ang tracks na maaaring kunin ng mga mag-aaral: ang academic track at ang technical professional track o techpro.
Magiging bahagi na ng academic track ang dating sports at arts and design strands. Mababawasan din ang mga core subjects mula 15 pababa sa apat. Kakailanganin ding kumuha ng mga mag-aaral ng apat hanggang pitong electives, kabilang ang work immersion o capstone project.
Bagama’t sinusuportahan natin ang mas simpleng programa para sa SHS, patuloy naman nating hinihimok ang DepEd at ang Commission on Higher Education (CHED) na mag-ugnayan upang mapaikli ang panahong kinakailangang gugulin para sa kolehiyo.
Kung babalikan natin ang mga deliberasyon para sa Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o K to 12 Law, ipinangako noon na ang dagdag na taon sa high school ay magdudulot ng mas kaunting taon sa kolehiyo pero hindi ito naisakatuparan.
Ipinangako rin ng K to 12 na magiging mas handa sa kolehiyo ang mga magtatapos nito. Ngunit batay sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ‘below-proficient’ ang mga National Achievement Test (NAT) scores ng mga mag-aaral sa Grade 12 noong 2022.
Kinakailangan pang magpatupad ng bridging programs ang mga higher education institutions (HEIs) dahil hindi pa handa ang mga SHS graduates sa kolehiyo. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi nabawasan ang mga taong dapat gugulin ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Para sa inyong lingkod, kailangan nang tanggalin ang mga bridging programs na ito.
Kung ating babalikan, apat lamang sa 10 sa ating mga kababayan ang nagsasabing kuntento sila sa SHS. Sa isang Pulse Asia survey na kinomisyon ng inyong lingkod, lumalabas na 41% lamang ang kuntento sa SHS, 42% ang hindi kuntento, samantalang 16% ang nagsasabing hindi sila tiyak kung kuntento ba sila o hindi sa programa.
Mahalagang pag-usapan at pag-isipan nang maigi ng DepEd at CHED kung paano mapapaiksi ang panahon ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Kung magagawa natin ito, mas madaling makakapagtapos ang mga mag-aaral at madali rin silang makakahanap ng trabaho.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments