Biktima ng sexual exploitation, pabata nang pabata, nakababahala!

ni Ryan Sison - @Boses | March 4, 2021
Pabata nang pabata ang biktima ng online sexual exploitation sa bansa.
Ayon sa isang grupo, halos kalahati o 43% ng biktima ng sexual exploitation na ginagawa online ay nasa edad 12 pababa, at ito ang lumabas sa pag-arangkada ng talakayan sa Senado ng mga panukalan-batas kaugnay sa panukalang electronic violence against women o E-VAW bill at maging online sexual abuse.
Sa pagdinig, sinabi ng kinatawan ng International Justice Mission Philippines na sa mga kaso na kanilang hinawakan mula 2011 hanggang Marso 1, 2021, nasa 758 kaso ng online sexual exploitation of children o OSEC victims ang kanilang nasagip kung saan nasa 43% sa bilang na ito ay mga nasa edad 12 pababa at 60% ng mga suspek ay mismong magulang, kamag-anak at close family friends.
Sa kabilang banda, iginiit ng National Bureau of Investigation (NBI) na nahihirapan silang magsampa ng kaso at palakasin ang kaso dahil sa kawalan ng kooperasyon ng online platforms at idinadahilan ng mga ito ang data privacy act.
Sa totoo lang, nakababahala na pabata nang pabata ang biktima ng online sexual exploitation, at ang masaklap, madalas na suspek ay mga kapamilya pa.
Malamang, idadahilan ng iba na sobrang gipit na dahil sa pandemya, pero kung tutuusin, wala pa mang pandemya, talamak na ang ganitong gawain.
At sana’y matauhan na ang mga gumagawa nito sa kabataan dahil kung hindi, pasensiyahan na lang dahil malamang, sa kulungan ang bagsak ninyo.
Hangga’t maraming kapit sa patalim at parukyano, hinding-hindi matitigil ang gawaing ito. Kaya ngayong patuloy ang online sexual exploitation, tiyak na malaking hamon ito para sa mga awtoridad, lalo pa’t nagiging hadlang ang umiiral na batas.
Gayunman, hangad nating patuloy ang pag-aksiyon ng mga awtoridad sa usaping ito, lalo pa’t napakaraming batang mga biktima.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments