Biktima ng panggugulpi, ‘di pa rin nakakamit ang hustisya
- BULGAR

- 6 hours ago
- 7 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 23, 2025
ISSUE #374
Napakalaki at napakahalaga ng papel ng mga pahayag na ebidensya o testimonial evidence, sapagkat nagiging daan ito sa paghahatid ng hustisya lalo na para sa mga partido na walang naiprisintang object evidence o anumang dokumentong inilatag bilang ebidensya.
Gayunman, kailangan pa ring mabusisi ng hukuman ang mga pahayag na ebidensya, sapagkat hindi naman lingid sa ating kaalaman, ang sinuman na tumetestigo ay maaaring gumawa na lamang ng kasinungalingan para sa kanilang sariling interes o kapakanan.
Kaugnay nito, meron din tayong mga alituntuning sinusunod sa ilalim ng ating batas, partikular na sa ating Rules on Evidence, upang masiguro na ang bawat uri ng ebidensya ay legal na katanggap-tanggap at hindi nababahiran ng pagbaluktot sa katotohanan o ano pa mang pagpapanggap.
Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito, hango sa kasong kriminal na merong pamagat na People of the Philippines vs. Edrian Esteban y Jose et al. (Crim. Case No. 16-90, February 15, 2024), ay tungkol sa sinapit ng isang matandang biktima na tawagin natin sa pangalang Mang Hilario; na tanging berbal na deklarasyon lamang ang naiwan niya sa kanyang anak, ilang minuto bago siya tuluyang bawian ng buhay.
Sama-sama nating alamin kung ano ang mga naging kaganapan sa kasong ito at kung nakamit ba ni Mang Hilario ang hustisya.
Paratang para sa kasong murder ang inihain sa Regional Trial Court ng Camiling, Tarlac (RTC Camiling) noong ika-29 ng Enero 2016 laban kina Edrian, Jonie, Melchor, Ronald at isang John Doe na merong layunin na kumitil ng buhay, kumilos at nagsabwatan nang magkakasama at merong pagsasamantala sa kanilang higit na lakas, at pinaggugulpi si Mang Hilario, na hindi naipagtanggol ang kanyang sarili. Nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at kalaunan ay binawian ng buhay.
Naganap ang insidente ng panggugulpi sa isang barangay sa Camiling, Tarlac, alas-11:40 ng umaaga, noong ika-8 ng Nobyembre 2015.
Ang pribado na nagreklamo at tumayo bilang isa sa mga saksi ng tagausig ay ang anak ni Mang Hilario na si Skyppy.
Noong ika-14 ng Oktubre 2020, nagpalabas ng kautusan ang RTC Camiling na ibinabasura ang reklamo laban kina Melchor at Ronald, bunsod ng Affidavit of Desistance na inihain ni Skyppy noong ika-13 ng Oktubre 2020, at na ipinaaresto sina Edrian at Jonie.
Ika-1 ng Abril 2023 nang madakip si Edrian. Ika-1 ng Hunyo 2023, siya ay binasahan ng pagsasakdal, na kung saan ay kawalan ng kasalanan ang kanyang naging pagsamo sa hukuman ng paglilitis.
Ipinrisinta ng tagausig sa hukuman ng paglilitis ang testimonya ni Skyppy at isa pang saksi na nagngangalang Bernardo. Subalit, walang inialok ang tagausig na dokumentaryong ebidensya na sumuporta sa testimonya ng mga nasabing saksi.
Para naman sa depensa, tanging si Edrian lamang ang tumayo na tumestigo para sa kanyang sarili. Gayundin, walang isinumite na dokumentaryong ebidensya ang depensa.
Batay sa bersyon ng tagausig, si Skyppy ang nagsugod kay Mang Hilario sa Panlalawigan na Pagamutan ng Tarlac. Bandang alas-9:00 ng gabi, noong ika-9 ng Nobyembre 2015, habang inaasikaso niya ang kanyang ama, sinabi umano ni Mang Hilario sa kanya na siya ay pinalo ng tubo ni Jonie, habang siya’y hawak nina Melchor, Ronald at isang alyas “Puroy.” Paulit-ulit din umano siyang pinagsusuntok ng mga ito.
Pumanaw si Mang Hilario, may 30 minuto matapos niyang maipahayag kay Skyppy ang naturang deklarasyon.
Sa kanyang cross-examination, nilinaw ni Skyppy na nagulpi ang kanyang ama, bandang tanghali noong ika-8 ng Nobyembre 2015, at nadala sa pagamutan ng ika-9 ng Nobyembre 2015. Kanya ring nilinaw na sinabi sa kanya ng kanyang ama na pinalo ito ng tubo at na magkakasama ang mga akusado sa pambubugbog na naganap sa compound nina Trining at Jonie. Diumano, si Skyppy lamang ang nakarinig sa deklarasyon ng kanyang ama sa pagamutan.
Sa kanyang re-cross, pinanindigan ni Skyppy ang kanyang mga ipinahayag noong siya ay ma-cross examine.
Batay naman sa testimonya ni Bernardo, humiling diumano sa kanya ang isang nagngangalang Cecilia, na siya’y pumunta sa Mababang Paaralan, noong ika-10 ng Nobyembre 2015. Doon, ipinatawag ang isang mag-aaral na nagngangalang Alniño. Sinabi umano sa kanya ni Alniño na ang tiyuhin nito na si Jonie ang gumulpi sa isang matanda na kalaunan ay kinilala bilang si Mang Hilario. Napag-alaman umano ni Bernardo na pumanaw si Mang Hilario noong ika-9 ng Nobyembre 2015.
Sa cross-examination kay Bernardo, kanyang nilinaw na hindi niya nasaksihan ang insidente ng panggugulpi, na siya na ang nagbigay ng apelyido ni Jonie matapos mabanggit sa kanya ni Alniño ang panggugulpi sa biktima, at na si Jonie lamang ang napangalanang gumulpi sa biktima.
Sa tulong at representasyon naman ni Manananggol Pambayan L. F. Catay Jr. mula sa PAO–Camiling, Tarlac District Office, na ipinagpatuloy nang noo’y Manananggol Pambayan na si G. C. Briones mula sa parehong distrito, mariin ang pagtanggi ng depensa ni Edrian. Kanyang iginiit na siya ay nagtatrabaho sa isang construction site sa Angeles, Pampanga noong araw ng insidente ng panggugulpi. Dalawang taon na umano siyang namamasukan bilang construction worker at doon na rin siya naninirahan kasama ang kanyang asawa. Kilala niya umano si Mang Hilario dahil sila ay mula sa iisang barangay sa Camiling, Tarlac, at dahil ito ay kolektor ng Small Town Lottery. Hindi umano niya maalala kung kailan namatay si Mang Hilario, subalit mariin niyang itinanggi na meron silang personal na alitan ni Mang Hilario, maging ng anak nito, bago naganap ang insidente ng panggugulpi sa matanda.
Sa paglilitis ng kasong ito, iniangkla ang pag-uusig laban kay Edrian sa naging dying declaration o huling deklarasyon ni Mang Hilario bago siya binawian ng buhay. Sa pagdedesisyon sa kasong ito, mabusising isinaalang-alang ng hukuman ng paglilitis kung maituturing ang naturang deklarasyon na nabubukod sa tuntunin ng hearsay evidence, sapagkat ang hearsay evidence ay hindi maaaring tanggapin na ebidensya, maliban na lamang kung nabibilang ito sa mga pinahihintulutan ng ating Rules on Evidence.
Paglilinaw ng RTC Camiling, ang dying declaration ng isang tao ay maaari lamang tanggapin ng hukuman bilang ebidensya na nabubukod sa alituntunin kaugnay sa hearsay evidence kung ito ay ginawa ng nasabing tao sa ilalim ng ganap na kamalayan ng kanyang napipintong kamatayan na siyang paksa ng pagsisiyasat sa kaso. Binibigyan ng lubos na pananalig ang ganitong uri ng pahayag na ebidensya, sapagkat walang tao na nakakaalam ng kanyang nalalapit na kamatayan ang kikilos nang pabaya at magpapahayag ng maling paratang.
Kaugnay nito, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na upang tanggapin bilang balidong ebidensya ang isang dying declaration ay kinakailangan na maitaguyod ang mga sumusunod na sirkumstansya:
Una, ito ay merong kinalaman sa sanhi ng pagkamatay ng nagdeklara at sa nakapaligid na mga pangyayari ukol dito;
Ikalawa, ito ay ginawa nang ang kamatayan ay tila nalalapit na at ang nagdeklara ay nasa ilalim ng kamalayan ng naturang nalalapit na kamatayan;
Ikatlo, ang nagdeklara ay merong kakayahang tumestigo kung siya ay nakaligtas sa naturang kamatayan;
At ikaapat, ang naturang deklarasyon ay iniaalok sa isang kaso kung saan ang paksa ng pagsisiyasat ay ukol sa pagkamatay ng nagdeklara.
Sa kaso laban kay Edrian, naging kapuna-puna sa RTC Camiling na bagaman naitaguyod ng tagausig ang una, ikatlo at ikaapat na sirkumstansya ng isang balidong dying declaration, hindi naman sapat na naitaguyod ng tagausig ang ikalawang sirkumstansya.
Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na, sa pagtataguyod ng nasabing sirkumstansya, dapat maipakita na merong matibay na paniniwala ang taong nagdeklara na napipinto na ang kaniyang kamatayan, na ipinaubaya na niya ang lahat ng pag-asa ng kaligtasan, at na tiningnan niya ang kamatayan bilang tiyak na nalalapit.
Para sa hukuman ng paglilitis, nagkulang ang ebidensya ng tagausig sa pagtataguyod na merong kamalayan si Mang Hilario sa napipinto niyang kamatayan nang ihayag niya kay Skyppy ang diumano’y nangyaring panggugulpi sa kanya. Hindi rin nagprisinta ng ebidensya ang tagausig na nagpakita na nabatid ni Mang Hilario ang kalubhaan ng kanyang kalagayan, o kahit testimonya man lamang na nagpakita ng kanyang kasalukuyang kalagayan ng kalusugan noong siya ay nasa pagamutan. Dahil dito, hindi tinanggap ng RTC Camiling ang ipinagpalagay na dying declaration ni Mang Hilario.
Sa pagsusuri rin ng RTC Camiling, tanggapin man ang sinasabing dying declaration, hindi pa rin partikular na nabanggit o kinilala roon si Edrian bilang isa sa mga gumulpi sa biktima, maging ang kanyang partisipasyon sa insidente.
Sa pagsusuri ng hukuman ng paglilitis sa testimonya ni Skyppy, tanging nabanggit lamang ang pagkakakilanlan nina Jonie, Melchor, Ronald at alyas Puroy, at ang kanilang partisipasyon sa panggugulpi sa biktima.
Si Edrian ay hindi kabilang sa mga pinangalanan ng saksi ng tagausig. Masinsinang pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis, na kaakibat ng pagpapatunay nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na naganap ang isang krimen ay ang pagpapatunay sa pagkakakilanlan ng salarin.
Dagdag na pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis na saligan at panimula sa ilalim ng ating batas na hindi maaaring mahatulan ng pagkakasala ang isang akusado hanggang at maliban na lamang kung siya ay positibo na kinilala bilang salarin sa krimen.
Ang pagpapalagay ng kanyang kasalanan ay dapat na likas na dumadaloy mula sa mga katotohanang napatunayan at na naaayon sa lahat ng mga ito.
Sapagkat hindi napatunayan ng tagausig, nang lampas sa makatuwirang pagdududa, na kabilang si Edrian sa mga gumulpi kay Mang Hilario, o na tumulong siya sa mga bumugbog dito, ay minarapat ng RTC Camiling na igawad sa kanya ang hatol ng pagpapawalang-sala.
Inulit din ng hukuman ng paglilitis ang kautusan ukol sa pag-aresto kay Jonie at na i-archive ang kaso, na muling bubuhayin sa oras na maaresto si Jonie.
Ang desisyon na ito ng RTC Camiling, na ibinaba noong ika-15 ng Pebrero 2024, ay hindi na inapela o kinuwestyon pa ng Office of the Solicitor General o ng pribadong nagrereklamo.
Bagaman hindi pa nakakamit ng kaluluwa ni Mang Hilario ang hustisya kaugnay sa malupit na dinanas niya sa mga kamay ng mga taong walang-awang gumulpi sa kanya at nagdala sa kanyang huling hantungan, masasabi na hindi pa tapos ang kanyang laban. Nawa ay hindi magtagal at dumating na ang pagkakataon na maaresto si Jonie, gayundin ang iba pang indibidwal na merong kinalaman sa naganap na krimen, at sa paglilitis sa kanila sa hukuman ay maitaguyod ang kanilang kasalanan. Marahil iyon ang pag-asa upang makamit pa rin ni Mang Hilario at ng kanyang mga naulila ang kanilang inaasam na hustisya.








Comments