top of page

Bigtime taas-presyo, todo-todo... Walang krisis sa langis — Castro

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 18 hours ago
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | March 24, 2026



Atty. Claire Castro - PCO

Photo: PCO



Nanindigan ang Malacañang na hindi pa rin nakararanas ng “oil crisis” ang bansa kundi nahaharap lamang sa isang “price disruption” na dulot ng sigalot sa Middle East.


Ginawa ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang reaksyon makaraang suportahan ang naging pahayag ni Energy Secretary Sharon Garin.


“Sa ngayon hindi po natin masasabi dahil patuloy pa rin po ang pagsusumikap ng ating gobyerno na hindi mapatid ang suplay ng fuel, ng produktong petrolyo sa atin,” wika ni Castro sa press briefing na ginanap sa Villamor Air Base sa Pasay City.


“Ang sabi po kasi ni Secretary Sharon may dalawang klase po ng krisis – sa suplay at sa presyo. So, ngayon po kung pag-uusapan po natin ang suplay ay wala po tayong sasabihing krisis pagdating sa suplay; maybe mayroon pong price disruption dahil nga po sa nangyayaring oil crisis sa Middle East. So, iyon po iyong pananaw ni Secretary Garin,” punto ni Castro.


Ipinaliwanag din niya na ang terminong “oil crisis” na ginamit ng Pangulo sa isang naunang panayam ay tumutukoy sa sitwasyon sa Middle East, at hindi sa kalagayan sa Pilipinas.


Sinabi ni Castro na patuloy na kumikilos nang maagap ang pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng tensyon sa Middle East.


“Wala naman tayong dina-downplay – ito po kasi iyong totoong sitwasyon. Nagsusumikap po ang pamahalaan sa utos ng Pangulo na dapat hindi magkulang ang suplay ng produktong petrolyo,” aniya.


Idinagdag din ni Castro na bumubuo ang pamahalaan ng isang “crisis committee” upang matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng pagkain at mga produktong petrolyo sa bansa.


“Bago pa po may nag-suggest na gumawa ng crisis committee, nag-utos na po ang Pangulo na maggawa officially ng crisis committee, so hintayin na lang po natin ang dokumento, pina-finalize na po,” pagtatapos ni Castro. 


Samantala, nasa ikatlong linggo na ng tuluy-tuloy na pagsirit sa presyo ng produktong petrolyo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page