top of page

Bigong pag-remit ng kontribusyon ng DepEd employees sa GSIS, PhilHealth, Pag-IBIG, nakakaalarma

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 23, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Noong tinalakay natin ang panukalang pondo ng Department of Education (DepEd), pinuna ng inyong lingkod ang isang ulat ng Commission on Audit (COA) kung saan lumabas na nabigo ang ahensya na i-remit ang P5.77 bilyon na employee contributions sa Government Service and Insurance System (GSIS), PhilHealth, at Pag-IBIG para sa taong 2024.


Binigyang pansin ito ng inyong lingkod matapos tayong makatanggap ng ilang mga liham mula sa ating mga guro, kung saan ipinahayag nila ang kanilang pagkabahala pagdating sa access sa kanilang mga benepisyo. Nababahala rin ang inyong lingkod na baka magkaroon sila ng mga penalty o multa dahil sa mga kontribusyong hindi na-remit. 


Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nagpulong na ang DepEd at GSIS upang linawin ang estado ng kanilang mga account. Matapos ang pagpupulong, lumabas na P3 bilyon ang utang ng DepEd na mula sa government counterpart contributions.


Sabi pa ni Secretary Angara, nahihirapan ang ahensya na masunod ang threshold ng GSIS, dahil tatanggapin lang nila ang mga inaasahang bayarin kung katumbas ito ng 95% ng dapat na kontribusyon mula sa mga empleyado. Nahihirapan din ang DepEd na mangolekta ng mga contribution dahil halos 3,000 implementing units at halos isang milyong miyembro ang saklaw nito. 


Upang maayos ang access ng mga guro at punong-guro sa kanilang mga benepisyo, pinag-aaralan ng inyong lingkod ang paglalaan ng P3 bilyon upang mabayaran ang utang ng DepEd mula sa mga kontribusyong hindi pa naipapadala o naire-remit sa GSIS. 


Kasunod ito ng pag-apela ng DepEd sa Committee on Finance na tulungan silang bayaran ang nasabing utang.


Kung matutugunan natin ang mga suliraning may kinalaman sa GSIS at iba pang mga benepisyo, maiaangat natin ang morale ng ating mga guro at punong-guro.


Mahalagang mabigyan natin ito ng solusyon dahil ang ating mga guro at mga punong-guro ang lubos na naaapektuhan. Kung mababayaran natin ang utang ng DepEd, mabibigyan natin sila ng kasiguruhan ng access sa kanilang mga benepisyo. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page