top of page

Biglang nag-propose, bahala na raw… KRISTINE, PUMAYAG MAGPAKASAL KAY OYO KAHIT 'DI DYOWA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 3, 2022
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | February 03, 2022




Wala palang planong mag-asawa noon si Oyo Boy Sotto sa edad na 27 dahil hindi pa siya handang magkaroon ng responsibilidad at gusto pa raw niyang makagawa ng maraming pelikula.


Pero sa hindi malamang dahilan ay bigla siyang nag-propose ng kasal kay Kristine Hermosa na hindi naman niya kasintahan noon at ito ay sa mismong araw ng birthday niya.


Sa panayam sa mag-asawang Oyo at Kristine ni Toni Gonzaga-Soriano sa YouTube channel nitong Toni Talks ay unang beses nila itong inamin sa publiko dahil ang nakakaalam lang ng love story nila ay ang pamilya, mga pinsan at ilang kaibigan nila.


Kuwento ni Toni, taong 2008 nang gumawa sila ng movie nina Kristine at Sam Milby na My Big Love, bumibisita na noon si Oyo sa taping nila.


Tinatanong daw nila si Tin kung nanliligaw si Oyo pero ang sabi nito ay barkada lang sila. Pero para kay Oyo, may 'something' na siya noon kay Tin dahil gandang-ganda siya sa mukha nito.


Nagkakilala sina Oyo at Kristine sa set ng Enteng Kabisote 2, pero hindi nila type ang isa’t isa dahil may kani-kanya pa silang karelasyon noon.


“May kani-kanya kaming love life noon, eh. Pero nagagandahan ako sa kanya,” pag-amin ni Oyo.


At si Tin naman ay, “Tutok ako noon (sa dyowa), parang kabayo lang ako nu’n.”


At inamin din ni Oyo na pinanonood niya ang Pangako Sa ‘Yo teleserye ni Tin kasama ang ex-boyfriend nitong si Jericho Rosales.


“Napapanood ko ‘yung Pangako sa ‘Yo, siyempre, sikat na sikat siya nu’n. Kami naman ni Aiza (Seguerra) nu'ng mga panahon na ‘yun na mahilig mangulit, eh, nanay namin siya (Tin) noon (sa Enteng Kabisote), ‘Tara, punta tayo kay Mommy.’"


Ano ang impression ni Kristine kay Oyo nang makilala niya ito?


“Wala, seryoso, parang 'Hi!' ganu’n lang, tapos tago na ako sa dressing room.”


“Ayaw niya ako, eh,” sabi kaagad ng aktor.


Sa Enteng Kabisote 3 ulit sila nagkita na parehong medyo malabo na ang relasyon nila at du'n na nga raw nagkaroon ng feelings si Oyo kay Tin.


“'Yun na ‘yung parang…'Ganda nito, ah,'” sabay tawa.


“Puro ganda? Nakakainis, wala man lang sinabing, ‘Ang bait niya, very thoughtful,' walang ganu’n?’ tanong ni Kristine sa asawa.


Taong 2006 nang maging super close sila sa isa’t isa at nagsasabihan ng kanilang past relationships, buhay-pamilya, career at marami pang iba.


At ipinakilala na nga si Kristine sa pamilya Sotto na talagang hiyang-hiya siya noon kasi nga, magkaibigan lang naman sila kaya ano'ng dahilan?


Pero kahit na super close na at laging magkasama ay wala pa ring pagtingin si Kristine kay Oyo kasi nga, may iba pa siyang iniisip noon.


“Ang dami ko pang mga ano, tira-tira, kasi nga tutok ako. 'Pag may minahal ako, siya lang, focused ako talaga, so, walang chance to look around.”


At dahil nga hindi na rin okay ang relasyon noon ni Kristine sa karelasyon niya at nakita ni Oyo na brokenhearted siya, ang laging payo raw ng aktor, “Iwan mo na ‘yan! Bakit ka nagsasayang ng panahon diyan?"


Hanggang sa sabay na sila lagi sa Bible study at ang pastor nila ang nag-udyok kay Oyo na gawin na kung ano ang plano kay Kristine.


At itinapat nga ni Oyo na mag-propose kay Kristine sa mismong kaarawan nito kung saan lumuhod siya at sabay labas ng singsing, “Will you marry me?"


Nataranta si Tin dahil hindi nga naman sila magdyowa, bakit nagpo-propose si Oyo?


Nagtatakbo siya sa labas at nag-iiyak at iniwan si Oyo na nakaluhod pa.


Nanalangin daw noon si Tin kung bakit may ganu’ng proposal, hanggang sa bumalik siya sa loob kung saan naghihintay si Oyo na nakaluhod pa rin at sinagot niya ng "Yes".


Inisip na lang daw niya noon, "Bahala na."


Ang kapatid ni Oyo na si Danica Sotto-Pingris ang nagulat sa sagot ni Tin dahil baka raw napilitan lang kasi nga, wala naman sa plano ang lahat.


And the rest is history…


Sa tanong ni Toni kung anong nagustuhan niya kay Kristine, “What you see is what you get, harap o likod ng camera, hindi siya showbiz!”


At si Oyo sa paningin ni Tin, “Sa lahat ng nakilala ko, grabe ang prinsipyo, saka integrity niya. Sabi ko, 'God, ganito ‘yung kailangan ko sa buhay, ‘yun talaga ang top sa list.'”


Maraming ups and downs ang naging pagsasama nila at hindi rin naman nawawala hanggang ngayon ang mga pagsubok, pero lagi silang nagkakasundo.


“Basta si God ang nasa center ng pagsasama, it follows,” sabi ng mag-asawa.


Sa ngayon ay 11 yrs. nang kasal sina Oyo at Kristine at may 5 nang anak.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page