Big Lagoon, sinikwat ang titulo sa Turf
- BULGAR
- May 2, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | May 2, 2023
Bumangon mula sa pagkakadapa si Big Lagoon mula matapos sikwatin ang titulo sa 2023 PHILRACOM "Chairman's Cup" na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.
Mabilis na kumilos sa largahan si Big Lagoon, hindi nagpaiwan upang makasunod sa mahigpit na karibal na si Boss Emong na nakapuwesto sa bandang labas.
Nakipagsabayan ng bilis si Big Lagoon sa unahan kina Boss Emong at Cam from Behind sa unang dalawang daan metro ng karera.
Pagsapit ng backstretch ay nakihalo na rin si Don Julio pero makalipas ng ilang sandali ay si Big Lagoon at Boss Emong na lamang ang nagbabanatan sa unahan.
Nasilayan muli ng mga karerista ang husay ni Big Lagoon at unti-unti nitong iniiwan si Boss Emong kaya naman pagsungaw ng rektahan ay nasa dalawang kabayo na ang agwat nito sa mga nakatunggali.
Tinawid ni Big Lagoon ang finish line ng may dalawang kabayo ang bentahe sa pumangalawang si Don Julio, tersero si Boss Emong.
Dahil sa panalo, narebansehan ni Big Lagoon si Boss Emong na tumalo sa kanya noong naglaban ang dalawa sa Classic Cup noong nakaraang buwan.
Sinakyan ni jockey John Alvin Guce, inirehistro ng Big Lagoon ang tiyempong 2:04.6 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Melaine Habla ang P1.5-M premyo. sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Naibulsa ni Don Julio ang P500,000 habang ang third placer na si Boss Emong ay nag-uwi ng P250,000.





Comments