Bida ng movie, no show… STANDEE NI EDU, IPINATANGGAL NI ATTY. TOPACIO SA PREMIERE NIGHT
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | December 19, 2022

Ang daming pulitikong dumalo sa nakaraang premiere night ng pelikulang Mamasapano: Now It Can Be Told. May mga nakita kami na hindi lang gaanong napansin ng media dahil discreet sila at narinig namin na ‘yung iba ay nagtatanong kung saan sila uupo at sila ay representative ng powerful clan mula sa Norte.
Well-attended ang Mamasapano premiere night na ginanap sa SM Megamall Cinema 8 kaya ang ganda ng ngiti ng Borracho Films producer na si Atty. Ferdinand Topacio bilang entry niya ito sa Metro Manila Film Festival 2022.
Kontrobersiyal ang kuwento ng pelikulang Mamasapano: Now It Can Be Told dahil ipinakita sa kuwento na hindi pa tapos ang kaso at nakamatayan na nga ito ng dating presidenteng si Benigno ‘Noynoy’ Aquino na siya umanong itinuturong may kasalanan sa pagkamatay ng 44 Special Action Force personnel na tinawag na Oplan Exodus noong Enero, 2015 sa Mamasapano Town, Maguindanao.
Ang mga curious pa rin hanggang ngayon kung paano namatay ang 44 SAF personnel ay tiyak na panonoorin ang Mamasapano lalo’t mga kilalang aktor ang nagsiganap dito tulad nina Paolo Gumabao, Rico Barrera, Aljur Abrenica, Allan Paule, Rey Abellana, Gerald Santos, Juan Rodrigo, Rez Cortez, Jervic Cajarop at Edu Manzano.
May guest appearance naman sina Claudine Barretto, Ritz Azul at Myrtle Sarrosa.
Marami lang ang nagtataka kung bakit hindi sumipot si Edu Manzano sa premiere night ng Mamasapano gayung siya nga ang pinakabida ng movie.
Hindi tuloy namin masisi si Atty. Ferdie kung nagsalita man ito at nakunan pa ng video nang ipatanggal ang standee ni Edu sa stage sa premiere night.
May naging conflict of schedule kaya si Edu kaya no show nu’ng gabing ‘yun?
Samantala, kani-kanyang pagpapakita ng galing sa pag-arte ang mga nabanggit na cast at posibleng makasungkit sila ng award sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2022 na gaganapin sa New Frontier Theater sa December 27.
Ang Mamasapano: Now It Can Be Told ay idinirek ni Lester Dimaranan mula sa panulat ni Eric Ramos.





Comments