BFF, nasira raw ang political career… ANJO, SOBRANG GUILTY NA INIRETO SI JOEY KAY KRIS

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 15, 2026

Photo: IG _tsong_marquez / Circulated
Guilty na guilty pala si Anjo Yllana nang ipakilala niya si Kris Aquino kay Joey ‘Tsong’ Marquez dahil nasira raw ang political career nito.
Sa panayam ni Anjo sa Unplugged vlog ni Julius Babao, doon niya ikinuwento ang lahat. Dahil hindi sila nag-click ni Kris bilang magkarelasyon ay naging best friends na lang sila.
Sa panahong dinadala ng Queen of All Media ang panganay na si Joshua, ang aktor ang dumamay sa kanya dahil hindi boto ang pamilya Aquino kay Phillip Salvador na ama ni Josh.
“Kaya mahal ko si Joshua. Sabi ko kay Kris noon, ‘Alam mo, si Ipe, imposibleng tanggapin ‘yan ng pamilya mo (kasi) may asawa, pero ‘pag nanganak ka na, imposibleng ‘di tanggapin ng pamilya mo. Imposibleng ‘di tanggapin ni (ex-President) Cory, apo n’ya ‘yan. Imposibleng ‘di tanggapin ni P-Noy (former President Noynoy), pamangkin n’ya ‘yan.
“These were the things I’m telling her nu’ng kami’y mag-best friend pa. Naging best friends kami ni Kris more than mag-boyfriend-girlfriend, pero sandali lang, ‘di nga umabot ng isang buwan,” balik-tanaw ni Anjo.
At pagkatapos ng relasyon nina Kris at Ipe, “Ako naman ang naging tulay nila ni Joey (nagkatawanan sina Anjo at Julius). ‘Pag binabalikan ko nga, parang kasalanan ko pa na nagulo ‘yung buhay ni Joey.
“Kasi that time, s’yempre, close rin ako kay Joey, kasama ko sa Palibhasa Lalake (sitcom). Konsehal ‘ata ako nu’n ng Parañaque, tapos mayor si Joey. Tapos si Kris, dahil best friend ko, parang nagkaroon sila ng pictorial. Kakahiwalay lang ni Joey at ni Ness (Alma Moreno), tapos hiwalay din si Kris at si Kuya Ipe.
“Then sabi ni Kris nu’n, ‘I like Joey, he’s gentleman.’ Tapos, sinabi ko kay Joey, ‘Uy, gentleman ka raw.’ Tapos, after two weeks, for some reason, pinadaan sa ‘kin kung puwede raw silang mag-dinner. So, akala ko naman, friendly dinner at ‘di magiging seryoso. Ay, naging seryoso ang pagmamahalan hanggang sa (naging sila) at ang pangit ng ending, ‘di ba?”
Tanong ni Julius, “Ikaw ba ang sinisi noon?”
“Nagi-guilty ako kasi nasira ‘yung political career ni Joey. Mahal na mahal ko ‘yan, and I was inspired na tumakbong konsehal because of what I saw in Joey Marquez. Idol ko s’ya, na-inspire ako sa ginagawa n’ya.
“Iba ‘yung nagpapatawa ka at mahal ka ng tao, iba ‘yung tinutulungan mo ang tao nang direkta. Ang sarap ng pakiramdam, kaya ako tumakbo nu’n dahil sa kanya.
“Kaya na-guilty ako kasi nu’ng naayos ko ‘yung kanilang pagmamahalan (Kris at Joey) sa start, na-guilty ako kasi ang daming accusations kay Joey nu’n. Nasira ‘yung political career n’ya, kasi ang (sunod) na takbo n’ya, Congress na, kaya guilty ako,” pagtatapat ni Anjo.
Hindi raw si Joey ang nagalit kay Anjo kundi si Kris.
Paliwanag niya, “Nagalit s’ya at ‘yun ‘yung naghiwalay kami ng landas as best friends kasi kinampihan ko si Joey, and they made a public statement na away-mag-asawa lang ‘to (o) mag-boyfriend, but she (Kris) wanted it like it was serious. ‘Yun nga ‘yung accusation (sexually transmitted disease or STD), eh, kinampihan ko si Joey ru’n, kaya nagalit sa ‘kin si Kris and up to now, meron kaming parang wall (iminuwestra).”
Nag-uusap naman daw sina Anjo at Kris pero hindi na tulad ng dati na super close sila at nag-o-open siya.
Concerned pa rin si Anjo sa kanyang ex-BFF dahil nalulungkot siya kapag nakakabalita siya ng hindi maganda, lalo na sa kalusugan nito, at sana, gumaling na si Kris.
Nabanggit din ni Anjo na noong nagkaroon ng isyu kay Joshua sa isang podcast ay nag-live siya.
Sey niya, “Nagalit ako, naglabas ako ng video at gusto kong hamunin ng suntukan ‘yung nagsabi nu’n. Josh doesn’t deserve na ganu’n ang treatment from anybody. ‘Wag nating paglaruan. Kaya galit ako at hanggang ngayon, galit ako ru’n sa tao at baka sakaling masalubong ko, masabihan ko s’ya na, ‘Mali ‘yung ginawa mo!’”
Sa kasalukuyan ay walang regular na trabaho si Anjo at hoping na makabalik siya soon.
NAPANOOD namin ang TV Patrol kagabi at napag-usapan ang serye ni Coco Martin na Sigabo. Napa-wow ang mga anchors na sina Karen Davila, Alvin Elchico, at Bernadette Sembrano sa makabuluhang pagtatalakay ng social awareness sa show ni Coco.
Sa serye, nabiktima ng investment scam ang karakter ni Gina Pareño na Lola Gets, kaya ang ending ay to the rescue si Coco para tulungan si Gina.
Todo-agree naman ang mga TV anchors dahil totoong madalas na nabibiktima ng scam ang mga senior citizens, lalo na ang mga hindi gaanong techy (technical).
“‘Yan ‘yung kagandahan sa Sigabo, sumasabay sa kung ano ang nangyayari. Kasi ang daming nabubudol ngayon, lalo na ang mga senior citizens,” komento ni Alvin.
“Ang ganda ng ikot, kumbaga, nae-entertain ka na, may matututunan ka pa,” sabi naman ni Karen na sinang-ayunan ni Bernadette kasi swak daw ang magagandang values na ipinaparating sa serye.
Siyempre, inulan din ng papuri si Coco dahil sa walang limitasyong pagbibigay ng saya at aral ng kanyang serye sa mga manonood.
Sabi nga ni Alvin, “Magaling si Coco.”
Kaya tinanong namin ang kakilala naming loyal viewer ng show at agree siya sa mga anchors. Hindi nakapagtataka na bet ng mga manonood ang mga serye ni Coco na hindi lang saya at aksiyon ang hatid dahil bukas din ito sa pagbibigay ng aral at inspirasyon.





Comments