top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

BF, 'di pa man nagpo-propose… RABIYA, GAME NANG MAGKAANAK KAY JERIC

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 24, 2023
3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 24, 2023




Nag-react ang ilang taong nakapaligid kay Jeric Gonzales sa sinabi ng girlfriend niyang si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo sa Fast Talk with Boy Abunda kamakailan na handa na siyang lumagay sa tahimik at handa na ring maging ina.


Ayon sa ilang nakapaligid sa Kapuso actor, “Handa na siyang mag-asawa kay Jeric? Stable na ba sila?”


Nabanggit pa ng aming kausap na noong niyaya siya ng ex-boyfriend niya na magpakasal na, sinabi niyang tumanggi siya dahil hindi pa siya handa kasi hindi pa niya nabilhan ng bahay ang nanay niya.


Pero ngayon daw ay handa na siya kapag nag-propose na si Jeric sa kanya at sasagot na siya ng YES.


“Nakakatawa, sure na sure na ba siyang magpo-propose si Jeric? Let’s wait and see,” sabi ng taong malapit sa aktor.


Hmmm… sabi naman ni Rabiya ay nakapag-ipon na siya at sa dalawang taong nagmamahalan naman ay hindi na importante kung sino ang gagastos at bubuhay para mabuo ang pamilya. ‘Yun nga lang, hindi laging kulay-rosas ang pagmamahalan at pagsasama.


QUEENAY, BANTAY-SARADO PA RIN SA MADIR, 'DI MAGKA-BF




Ang sarap kausap ng Tiktoker na may 12M followers turned actress na si Queenay Mercado, ang Batangueña na hindi ikinahihiya kahit may puntong magsalita dahil katwiran niya ay very proud siya sa pinanggalingan niya.


Ang paglalarawan nga kay Queenay ay napakasimple, walang ere at hindi toxic sa kabuuan.


Ito ang mga katangiang nakita ni Ms. Jamira o Jam Magcale, presidente ng JDM Corporation na may-ari ng Jullien Skin, kaya niya kinuha si Queenay bilang endorser.


Ayon kay Jam, “We want somebody who’s like out there, who talks to the young people.


Queenay is super bubbly and Jullien is (for) youthful (skin) and tingnan n’yo (sabay turo kay Queenay), we want somebody so young and people person.”


Inamin din ni Jam na kapag kausap nila si Queenay ay talagang naaaliw sila kahit mahabang oras pa ang abutin dahil maraming kuwento. Kaya naman, nag-iisang choice lang ang dalagang probinsiyana na maging Jullien Skin brand ambassadress.


Say naman ni Queenay na todo ang ngiti, “To be honest po, hindi pa rin ako makapaniwala na napili ako ng Jullien Skin kasi ang daming puwede, ang daming maganda, maputi, makinis, pero siguro, itinakda talaga ng Diyos na tayo’y magtagpo ng Jullien Skin kaya sobrang thankful, grateful po ako na maging endorser. Hindi ko hahayaang mawala ang tiwala nila sa akin kaya gagawin ko ang lahat sa Jullien Skin, ilabas ang tunay na ganda.”


Nag-iisang anak na babae si Queenay at walang boyfriend kaya madikit siya sa ina at ito rin parati ang kasa-kasama at katsikahan niya sa lahat ng nangyayari sa buhay niya.


Sabi nga niya sa puntong Batangueña, “Sabi ko nga sa Inay, ‘Inay, ito ba’y totoo ire? Ako’y kinuhang endorser?’ Sabi ng inay ko, ‘Magtiwala ka sa sarili mo, ikaw nama’y maganda.’


Kaya naniwala na po ako na sabi ko, ‘Inay, bahala na, ako’y gaganda rine sa Jullien Skin.'”


Nabanggit ni Queenay na lagi niyang kasama ang ina at wala pa rin siyang boyfriend kaya siguro hindi siya maligawan ay dahil may bantay siya parati?


“Naku, 'yan nga ho ang panalangin ko! Iyan ang dinadasal-dasal ko araw-araw, gabi-gabi. Na sabi ko’y iyan, ‘Inay, diyan muna kayo at ako’y ano muna dine sa isang tabi.’


“Pero may mga naliligaw din ho. May mga sumusulpot na parang kabute, na mamaya ay lulubog-lilitaw.


“May mga ganu'n ho pero siyempre, hinahayaan ko lang ho dahil alam naman natin na ang pag-ibig ay nandiyan lang.


“At kung ang tunay na pag-ibig ay hahanapin mo, baka tayo ay ma-hopia lang. Pero siyempre, hahanap din tayo at gagawa ng paraan paminsan-minsan. Kaya tatakas sa Inay minsan, charot lang!” natatawang kuwento ni Queenay sa ginanap na launching niya as Jullien Skin brand ambassadress sa Scout 1880 Café and Events Venue sa QC.


At dahil dumaan na ang Araw ng mga Puso kaya tinanong si Queenay tungkol dito.


“Ayun, kasama ko ho ang Inay! Hi! Hi! Hi! Hi! (tumawang parang bata). Ang Valentine’s Day ko ay kami lang din ho ng aking pamilya. Actually, masaya naman ho ako sa aking sarili ngayon.


“Self-love, bakit naman hindi? Sa mga single d'yan, huwag kayong mag-alala. May magmamahal din sa atin. Basta alagaan lang natin ang ating sarili,” masaya nitong sagot.


Samantala, ang ilang programang nilabasan na ni Queenay ay Oh, My Korona series ni Maja Salvador na napanood sa TV5, Sing Galing at Sing Galing Kids (TV5), Probinsyana MV (VVS Collective), Showtime Online U (ABS-CBN), Sakto Teleradyo (ABS-CBN), Flex (GMA) at 52 Weeks Puregold TikTok Nasa Iyo ang Panalo na umabot sa 4.7M views.


Sobrang nagustuhan ng Puregold Management ang dalagang Batangueña dahil napakabait at nangakong susuportahan siya sa lahat ng proyekto niya tulad sa ginanap na launching niya ng Jullien Skin kung saan inisponsoran siya ng pa-raffle tulad ng iMac Computer at cash prizes.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page