Benepisyong dulot ng kawayan, lalo na sa Climate Change
- BULGAR
- Oct 27, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 27, 2021
May mga bansang matapos ang ilang taong pagtutok sa pagtatanim ng kawayan sa mahabang panahon ay labis na nila itong pinakikinabangan sa kasalukuyan at ang kanilang mga pag-aaral hinggil dito ay matatawag na tagumpay.
Bidang-bida ang kawayan sa isinagawang Climate Summit ng United Nation bukod sa napakarami pang pagpupulong hinggil dito at lumabas na napakalaki ng papel na maaaring gampanan ng kawayan para sa Climate Change.
Higit pa riyan ay napakarami ng benepisyong nakukuha sa kawayan dahil sa napakaraming produkto na maaaring makuha dito sapagkat maaari itong maging materyales sa paggawa ng sepilyo hanggang sa iba’t ibang klase ng damit.
Alam n’yo ba na ang kawayan ay paborito ng maraming manufacturer at environmental-friendly consumers dahil sa palagi itong nand'yan sa kahit anong oras na ito ay kailanganin dahil sa hindi ito mahirap alagaan matapos na itanim.
Ang kawayan na galing sa pamilya ng mga damo ay katulad din ng ordinaryong damo na mabilis tumubo sa napakaiksing panahon dahil ang isang kawayan ay lumalaki ng halos isang metro araw-araw at walang ibang halaman sa buong mundo na tulad nito.
Tintawag din itong eco-friendly material dahil ang kawayan ay pest resistant at hindi na kinakailangan ng maraming tubig para mabuhay at yumabong dahil mabilis itong tumutubo kahit saang bahagi o kahit anong klase ng lupa.
Dahil ang kawayan ay isandaang porsiyento natural kaya ito ay biodegradable rin at ang mga produktong gawa rito ay walang negatibong epekto sa kalikasan kumpara sa mga produktong gawa sa plastic na ramdam na ng buong mundo ang masama nitong epekto sa kalikasan.
Bawat halamang kawayan na tumutubo ay kayang mag-produce ng 30 porsiyento o higit pa ng oxygen kumpara sa ibang naglalakihang puno at nababawasan din nito ang carbon dioxide at pinatitibay ang mga lupa sa pagguho.
Sa negosyo ay malaki rin ang pakinabang ng kawayan dahil maaari itong gamitin sa maraming produkto tulad ng kasuotan, tela, tableware at maging sa dental hygiene at skin-care products at higit sa lahat ay nagbibigay pa ito ng mas malinis na kalikasan kung mas marami tayong itatanim.
Kaya nga malaki talaga ang ginagampanang papel nitong International Bamboo and Rattan Organization (INBAR), isang multilateral development organization na nagpu-promote ng pagtatanim ng kawayan at rattan para sa ikabubuti ng kaliksan.
Sa kasalukuyan ay 44 bansa na, na karaniwang nasa Global South ang gising na ang kamalayan hinggil sa mabuting dulot ng kawayan dahil sa halos dalawampung taong pagsisikap nitong INBAR at marahil pati tayo ay inabot na ng positibong dulot nito.
Dahil itong Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay kasalukuyang itinataguyod na ang pagtatanim ng kawayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang tugunan ang climate change na hindi lang tayo ang apektado kung hindi ang buong mundo.
Natukoy na rin ng DENR na ang kawayan ay hindi lang basta pinababayaang tumubo kung hindi nililinang dahil mahusay nga ito sa pagsipsip ng carbon dioxide (CO2) na kabilang sa greenhouse gases (GHGs) na nagtataboy sa climate change.
Nakatutuwa na itong DENR ay pinangunahan ang ginanap na virtual summit on re-imaging, developing and sustaining mining communities with bamboo nitong nagdaang linggo at lumitaw sa kanilang pag-aaral na ang kawayan ay nakakapagbukod ng mahigit sa 5.0 tons ng CO2 per hectare kada taon.
At malaking kabawasan umano ito sa ating CO2 emissions dahil ang iba’t ibang gawain o aktibidad ng mga tao gaya ng fossil fuel-based power generation ang ilan sa mga napagkukunan ng mga nasabing emissions.
Ayon sa paliwanag ng mga eksperto, ang mga emisyon ng CO2 at iba pang GHGs ay nag-iipun-ipon sa kapaligiran o himpapawid kaya tumataas ang global temperature na pangunahing dahilan kaya nagkakaroon ng pagbabago sa klima.
Base sa Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB) ng DENR, ang Bamboo Plantation Development Project ay pinalawig ng National Greening Program (NGP) sa layuning gamitin ito sa rehabilitasyon mula taong 2017 hanggang 2022 kung saan ang mahigit isang milyong ektaryang napabayaang mga lupain sa bansa ay nasa critical watersheds.
Maganda kung maisasakatuparan ang planong unahin ng proyekto nilang bamboo-planting ang mga lugar na kinabibilangan ng mga pampang sa Cagayan, Bicol at Marikina river dahil malaking tulong ito para maiwasan ang pagguho.
Ang mga hakbanging ito ng DENR ay halos dalawang dekada nang isinagawa sa maraming bansa at napatunayan na kung gaano ito kaepektibo para matugunan ang climate change kaya ang kailangan na lamang nating gawin ay tutukan ito at pag-ibayuhin para makamit natin ang positibong resulta.
Sabi nga nila, huli man daw at magaling maihahabol din!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments