top of page

Benefits ng Nattokinase sa kalusugan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | October 3, 2025



Photo File



Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang empleyado ng gobyerno, mahigit na 50 years old at may pamilya. Isa akong masugid na tagasubaybay ng Sabi ni Doc column at ng BULGAR newspaper.


Sa aking edad na ito ay may mga kaibigan ako at kakilala na nagkaroon na ng atake sa puso at na-stroke. Dahil dito ay nababahala ako sa aking kalusugan. Bagama’t maingat ako sa aking katawan at regular na nag-e-exercise, nais ko sanang makaiwas o kahit papaano ay mabawasan ang aking risk na magkaroon ng atake sa puso o ma-stroke.


Sa isang TV show ay napanood ko na maaaring makatulong ang Nattokinase bilang supplement upang makaiwas sa atake sa puso at stroke. May katotohanan ba ito? May mga pag-aaral ba na nagpakita ng bisa ng Nattokinase upang makaiwas sa atake sa puso o stroke? 


Sana ay matugunan ninyo ang aking mga katanungan. -- Anastacio



Maraming salamat Anastacio sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Ang Nattokinase ay isang uri ng protein enzyme na makikita sa pagkaing Natto sa bansang Japan. Ayon sa mga naunang pag-aaral ang Nattokinase ay may antihypertensive, lipid lowering, anti-platelet at neuroprotective effect. Bukod dito ayon sa isang scientific article na na-publish noong 2018 sa journal na Biomark Insights, ang Nattokinase ay may anti-atherosclerotic effect at isang promising alternative sa prevention at treatment ng mga iba’t ibang uri ng sakit sa puso. Naniniwala ang mga scientists na ang pagkain ng Natto ay may significant na contribution sa mahabang buhay ng mga Hapon at dahilan kung bakit mababa ang cardiovascular mortality sa Japanese population.


Ayon sa tatlong published na mga scientific studies may iba’t ibang mekanismo ang Nattokinase kung paano ito nakakatulong sa ating kalusugan sa pamamagitan ng pagbawas ng paglala ng atherosclerosis o pagbabara ng ugat. Sa isang randomized controlled trial na pag-aaral sa bansang Taiwan na nailathala sa Asia Pacific Journal of Clinical Nutrition noong 2009, ang Nattokinase ay epektibo sa dose na 6,000 to 7,000 FU sa pagpapababa ng level ng cholesterol at pagliit ng bara sa ugat.


Sa isang pananaliksik na na-publish noong August 2022 sa journal ng Frontiers in Cardiovascular Medicine ay pinag-aralan ng mga dalubhasa kung epektibo ang Nattokinase laban sa pagbabara ng ugat (atherosclerosis) at pagpapababa ng lipids sa 1,062 study participants.

 

Ayon sa pag-aaral na nabanggit naging epektibo ang Nattokinase laban sa progression ng atherosclerosis at nagpababa ito ng lipid profile kasama ang cholesterol at triglycerides ng mga study participants. Nakatulong din ang pag-inom ng Vitamin K2 at aspirin dahil sa naobserbahang synergistic effect nito kasama ng Nattokinase.


Kung ninanais na uminom ng Nattokinase supplement ay makakabuti na kumonsulta sa inyong doktor kung paano ito maisasama sa inyong health regimen.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan. 


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page