Beli Bell kekembot sa Condition Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 26, 2021
Paniguradong magandang laban ang masisilayan ng mga karerista sa magaganap na Condition Race (17) ngayong araw sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Ayon sa mga karerista bakbakang umaatikabo ang inaasahan nilang mapapanood sa event na kalahok ang limang tigasing kabayo.
Posibleng magdomina sa takilya ang kalahok na Beli Bell at Ready Set Go sa distansyang 1,200 meter race.
Makakatagisan ng bilis nina Beli Bell at Ready Set Go sina Trust Me, Courageous at My Jopay sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
"Kay Beli Bell ako lalagay lalo na star jockey pa ang sasakay kaya malaki chance niyang manalo," ayon sa isang karerista.
Rerendahan ni Jonathan Hernandez si Beli Bell habang si class A rider JA Guce ang sasakay kay Ready Set Go. Pitong karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw ng Biyernes.
Samantala, hindi naman nagpadaig si Princess Xia noong Linggo, nagpakitang gilas ito nang manalo sa MARHO-PHILRACOM Special Trophy Race na nilarga sa parehong lugar.
Ginabayan ni RC Suson, ipinuwesto niya si Princess Xia sa bandang likuran habang namamayagpag sa unahan si Kid Kenshin ng may limang kabayo ang agwat sa sumusunod sa kanyang sina Geneva, Goldbar at I Object.
Bandang far turn lumapit na ng bahagya sa unahan si Princess Xia at pagsungaw ng rekta ay segundo puwesto.
Sa huling 150 metro ng karera ay naagaw na ni Princess Xia ang unahan kay Kid Kenshin at nanalo pa ito ng may limang kabayo sa agwat sa sumegundong Geneva.
Inilista ni Princess Xia ang tiyempong 1:27 minuto sa 1,400 meter race sapat upang sikwatin ang P210,000 premyo, nakopo ni Geneva ang second prize na P70,000.





Comments