Bee Pollen, epektibo ba laban sa allergy?
- BULGAR

- Sep 15
- 3 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | September 15, 2025
Photo File: BP
Dear Doc Erwin,
Ilang taon na mula nang ma-diagnose ako ng may allergic rhinitis, at mula noon ay patuloy akong umiinom ng mga gamot para rito. May asawa ako at may mga anak. Dahil sa kamahalan ng mga gamot na inireseta sa‘kin ng aking doktor ay nagsaliksik ako ng maaaring makatulong sa‘kin upang maibsan ang aking allergy.
Ang Bee Pollen ang isa sa mga nasaliksik ko na maaaring makatulong sa ‘kin. Nais ko sanang malaman kung may basehan ang aking mga napanood na videos sa YouTube at nabasa sa internet na epektibo ang Bee Pollen sa allergy. May ebidensya na ba ang mga researcher na ito ay makakatulong sa allergies? Safe ba ang Bee Pollen na gamitin laban sa allergy, at ano ba talaga ang Bee Pollen? Sana ay mapansin n’yo ang aking sulat at matugunan ang aking mga katanungan. -- Fortunato
Maraming salamat Fortunato sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ang Bee Pollen ay isang kilalang “apitherapeutic” product sa larangan ng natural medicine na may mga potential na medical at nutritional na gamit. Ang apitherapeutics ay mga natural agents na may chemical compounds na may approved action at range activity na maaaring gamitin bilang gamot laban sa mga sakit.
Ang Bee Pollen ay matagal nang ginagamit bilang medisina ng mga ancient societies ng Greece, China at Egypt. Tinawag itong “life-giving dust” ng mga ancient Egyptian.
May laman ang Bee Pollen na proteins, amino acids, enzymes, co-enzymes, carbohydrates, lipids, fatty acids, phenolic compounds, bio-elements at vitamins. Kumpleto ang mga essential amino acids na hindi ginagawa sa ating katawan. Marami din na vitamins katulad ng vitamin E, provitamin A, at Vitamin D. Mayroon din na Vitamin C at Vitamins B1, B2 at B6. May mga bio-elements din katulad ng sodium, magnesium, calcium, phosphorus, potassium, zinc, copper, manganese, iron at selenium. Dahil sa mga nabanggit, karaniwan din itong ginagamit ng mga atleta bilang pampalakas, ganu’n bilang nutritional support para sa may sakit, at sa mga matatanda.
Ayon sa 2015 article na isinulat ng mga scientist mula sa Medical University of Silesia sa bansang Poland, ang Bee Pollen ay may antifungal, antimicrobial, antiviral, anti-inflammatory, hepatoprotective, anti-cancer, immunostimulating at local analgesic effects. Nakakatulong din ito sa paggaling ng mga burn wounds.
Ayon pa sa artikulo na nabanggit na nailathala sa Evidence-based Complementary and Alternative Medicine Journal, ang Bee Pollen ay may anti-allergic activity. Binanggit nito ang pag-aaral ng mga Japanese scientists mula Atopy (Allergy) Research Center sa Juntendo University School of Medicine, sa Tokyo, Japan kung saan ang Bee Pollen ay napatunayang pinipigilan ang degranulation ng mast cells at pag-release nito ng histamine. Ang histamine ang dahilan ng iba’t ibang sintomas ng allergy.
Sa pag-aaral din ng mga scientist mula sa Centro de Ciencias da Saude ng Universiodade Federal da Paraiba sa bansang Brazil ay may anti-allergic effect ang Bee Pollen. Mababasa ang detalye ng kanilang pag-aaral sa Journal of Ethnopharmacology na inilathala noong September 2, 2008.
Bagama’t may anti-allergic effect ang Bee Pollen, maaari rin na maging dahilan ito ng allergic reaction ayon sa isang case study na binanggit sa research na isinagawa ng mga scientist mula sa Sweden, Egypt, China at United Kingdom. Kaya’t pinag-iingat ang mga may allergy, lalo na sa mga may allergy sa weed pollens, chrysanthemum at dandelion pollen. Mababasa ang pag-aaral na ito sa journal na Nutrients na inilathala noong May 31, 2021.
Ayon sa mga dalubhasa mula sa Medical University of Silesia sa bansang Poland, maaaring inumin ang Bee Pollen araw-araw, 3 hanggang 5 teaspoons para sa matatanda at 1 hanggang 2 teaspoons naman sa mga bata. Maaaring inumin ito mula 1 hanggang 3 buwan, at puwedeng ulitin ng 2 hanggang 4 na beses sa isang taon.
Tandaan lamang na maaaring makaapekto ang Bee Pollen sa ibang iniinom na gamot. Maaari rin na gumamit ng mababang dose kung iinumin ito kasama ang ibang mga gamot o para sa mga chronic diseases. Makakabuti kung kokonsulta sa inyong doktor o sa mga dalubhasa na may kaalaman sa natural medicine o alternative at complementary medicine.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com










Comments