top of page
SHEET - ARCHIE, NAKITAAN NI GEE NG 2 SACHETS NG DRUGS SA KOTSE-IG _archiealemania & _ogied

Bebot, armado ng 2 kutsilyo, nag-amok, 2 nadale

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Justine Berganio @Overseas News | September 2, 2026



Pamela Cisneros, 49, residente ng Queens na nanaksak sa TImes Square - Glen Reib - Circulated

Photo: Pamela Cisneros, 49, at residente ng Queens na nanaksak sa TImes Square. Glen Reib / Circulated



Patay ang isang 32-anyos na babae habang sugatan ang isang 68-anyos na lalaki matapos silang atakihin ng isang babaeng armado ng dalawang kutsilyo sa mataong Times Square sa New York nitong Lunes.


Kinilala ng pulisya ang suspek na si Pamela Cisneros, 49, residente ng Queens, na umano’y may kasaysayan ng problema sa pag-iisip.


Ayon kay New York Police Commissioner Jessica Tisch, bigla umanong naglabas ng dalawang malalaking kutsilyo si Cisneros mula sa isang bag at nanakot ng mga taong dumaraan sa lugar.


Una nitong nilapitan at sinugatan ang 68-anyos na lalaki. Makalipas lamang ang ilang segundo, isa pang babae ang inatake nito. Agad na isinugod sa ospital ang dalawang biktima, ngunit kalaunan ay binawian ng buhay ang 32-anyos na babae. Nananatiling stable ang kondisyon ng lalaki.


Mabilis namang rumesponde ang mga pulis at ilang minuto nilang sinubukang kumbinsihin ang suspek na ibaba ang mga hawak nitong kutsilyo.


Tumanggi umano si Cisneros sa mga utos ng mga awtoridad at sa halip ay nagbanta pa sa mga pulis. Gumamit muna ang mga ito ng stun gun ngunit hindi ito naging epektibo kaya napilitan silang paputukan ang suspek.


Isinugod sa ospital si Cisneros ngunit idineklarang patay. Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima habang hinihintay na maabisuhan ang kanilang mga pamilya.


Hindi naman naniniwala ang pulisya na may kaugnayan sa terorismo ang insidente. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at motibo sa likod ng pag-atake.


Dahil naganap ang insidente sa isa sa pinakadinadayong bahagi ng New York, nagkaroon ng malaking presensya ng emergency responders at pulis sa Times Square habang sinusuri ang lugar.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page