top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Bearer, susubukan ang tikas sa Turf

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 20, 2023
  • 1 min read

ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 20, 2023


Masusubukan ang galing ni Bearer laban sa limang matutulin na kabayo sa paglarga ng 2023 PHILRACOM 3-Year-old Sprint Race na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa Agosto 6 (Linggo) sa susunod na buwan.


Sasakyan ni jockey Isaac Ace Aguila ang matikas na si Light Bearer para harapin ang mga kalahok na sina Badboy MJ, Boat Buying, Borrowed Heaven, Sandigan at Deus Ex Machina.


Nakalaan sa nasabing event ang P1.5M guaranteed prize na ipamumudmod sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa distansiyang 1,000 meter race.


Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P900,000, mapupunta ang P337,500 sa second placer habang tig- P187,500 at P75,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.


Ayon sa komento ng mga karerista sa facebook page ng karera, posibleng magbigay ng magandang laban sina Boat Buying at Sandigan dahil kilala rin sila na mabibilis sa arangkadahan.


"Kung sino ang maganda ang salida yun ang malaki ang tsansang manalo kasi lahat ng mga 'yan mahuhusay kaya kapag magaan na nakuha ang unahan malamang mananalo," saad ni Francisco Buenavista, veteran karerista na taga- Tayuman.


Hahamigin naman ng breeder ng winning horse ang P75,000 habang tig-P45,000 at P30,000 ang second at third.


Samantala, inihahanda at ine-ensayo na ng mga trainer at hinete ang pambato nilang kabayo para masilo ang inaasam na premyo.


Sina Kelvin Abobo at star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang rerenda sa Boat Buying at Sandigan ayon sa pagkakahilera.


Maliban sa nabanggit na karera, inaasahang may mga stakes races pa ang ilalarga sa Agosto.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page