“Bayanihan Bakunahan”, dapat suportado ng lahat ng ahensiya ng gobyerno
ni Ryan Sison - @Boses | November 24, 2021
Upang mas marami pa tayong kababayan na mabakunahan kontra COVID-19 sa ilalim ng national vaccination program, magsasagawa ng national simultaneous vaccination drive o “Bayanihan Bakunahan” mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Layon ng “Bayanihan Bakunahan” na makapagbakuna ng 15 milyong tao sa 16 rehiyon sa bansa, gayundin upang mabilis na maabot ang target na mabakunahan ang kalahati ng populasyon.
Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na suportahan ang isasagawang tatlong araw na vaccination drive.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, mahalagang suportahan ang
nasabing proyekto ng Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa kasalukuyan, 32.9 milyong Pilipino na ang nakakompleto ng dalawang dose ng COVID-19 vaccine.
At base umano sa datos ng pamahalaan, ang mataas na vaccination rate ay nakatulong sa pagbaba ng active COVID-19 cases, gayundin ang bagong kaso kada araw.
Magandang may ganitong programa ang pamahalaan upang mas mabilis na makamit ang target na mabakunahan ang kalahati ng populasyon, pero ang tanong, handa na ba ang mga kababayan nating hindi pa nababakunahan?
Malawakang paghahanda at pagsisikap ang inilaan ng ating pamahalaan para sa programang ito, kaya naman wala tayong ibang hangad kundi ang suporta ng lahat ng ahensiya ng gobyerno at tagumpay ng hakbang na ito.
Iisa lang ang nais nating lahat — ang ligtas na paligid at mamamayan. Nariyan man ang virus, ang mahalaga ay protektado tayo laban sa malalang epekto ng sakit na ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments