top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Bayanihan at malasakit ang solusyon para malampasan ang pagsubok sa buhay

BULGAR
Aug 6, 2021
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 06, 2021


Nagpapasalamat tayo sa mga kasamahan natin sa Senado at sa Kamara sa kanilang suporta sa inihain nating panukala na Bureau of Fire Protection Modernization bill. Naratipika na sa wakas ang Bicameral Conference Committee report nito noong Agosto 4, 2021 sa Senado at ipapasa na sa Pangulo sa susunod na mga araw.


Bilang pangunahing may-akda ng panukala, saludo tayo sa lahat nang sumuporta at nagtiyagang maipasa ito sa lehislatibo bilang pagkilala natin sa sakripisyo at serbisyo ng ating mga bumbero at bilang pagpapatuloy ng ating misyon na palakasin ang mga mekanismo ng gobyerno na rumesponde sa sakuna at makapagligtas ng buhay ng ating kapwa.


Kasama rin sa panukala ang pagkakaroon ng Security and Protection Unit sa BFP na poprotekta sa mga bumbero habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Nagbibigay-pugay din tayo sa aking kapwa Dabawenyo na si Senator Bato dela Rosa na nag-sponsor bilang siya ang Chair ng Senate Committee on Public Order.


Napapanahon lang na mapaigting pa lalo ang pagpapalakas ng hanay ng mga bumbero dahil, sa kabila ng nangyayaring pandemya, patuloy pa rin ang bantang dulot ng mga sunog at iba pang sakuna.


Sa muling pagpapatupad naman ng enhanced community quarantine o ECQ sa Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20, nais nating paalalahanan ang publiko na tumulong sa laban ng bansa kontra COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa mga health protocols, pananatili sa bahay at pag-iwas sa social gatherings.


Alam nating mahirap ito para sa ating lahat. Ngunit maliit na sakripisyo ito katumbas ng mga buhay na maaari nating maprotektahan kung mababawasan ang bilang ng mga kaso at posibilidad ng community transmissions ng COVID-19, lalo na ng Delta variant.


Huwag nating sayangin ang paghihirap at sakripisyo ng nakararami sa panahong ito. Magtulungan tayo upang matiyak ang istrikto at epektibong pagpapatupad ng quarantine restrictions para hindi na lumaganap ang sakit.


Masaya nating ibinabalita sa ating mga kababayan na nitong Agosto 3, nakapagtala na tayo ng mahigit 21.9 million doses administered; 12,072,569 sa mga ito ay first dose, habang ang 9,838,573 naman ang nakatanggap na ng second dose at fully vaccinated na. Patuloy lang ang pagbabakuna sa kahit saang sulok ng bansa upang maproteksiyunan ang ating populasyon at marating ang herd immunity sa ating mga komunidad tungo sa pagbalik sa normal nating pamumuhay.


Habang nilalabanan natin ang COVID-19, dapat tugunan din ang gutom at kahirapan na epekto nito. Kaya nagpapasalamat tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa ating apela na magbigay ng ayuda sa 80% low-income population ng NCR na maaapektuhan ng ECQ. Hindi natin hahayaan na may maiwan sa panahong ito, lalo na sa mahihirap.


Ginagawa ng gobyerno ang lahat upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng bawat Pilipino. Kaya naman, patuloy na umiikot ang ating opisina sa iba’t ibang panig ng bansa upang mag-abot ng tulong sa mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng pandemya at nakaraang krisis.


Mula Hulyo 31 hanggang Agosto 5, namigay tayo ng assistance sa 2,160 households in crisis sa Caloocan City; 1,040 farmers, vendors at transport workers sa Tulunan, Kabacan, at Carmen, North Cotabato; 901 naman na micro-entrepreneurs sa Amulung, Baggao, Lal-lo, Gattaran, Tuao at Tuguegarao City, Cagayan; at 208 indigent workers mula sa Allacapan, sa probinsiya rin ng Cagayan.


Bukod pa rito, nagpaabot din tayo ng tulong sa 701 persons with disabilities sa Loon at Maribojoc sa probinsya ng Bohol, at 661 naman na market vendors sa Tagbilaran City.


Tinulungan din natin ang mga nasunugan na 31 na pamilya sa Tarragona, Davao Oriental; 21 na pamilya sa Cavite City; 11 pamilya sa Maynila; at dalawang pamilya sa Taguig City.


Maliban d’yan, namigay tayo ng assistance sa daan-daang kababayan natin na nasalanta ng mga nakaraang bagyo. Tinulungan natin ang 221 na pamilya na biktima ng storm surge sa Iloilo City, Iloilo; 336 naman na naging biktima ng Typhoon Ulysses sa Virac, sa probinsya ng Catanduanes; at 92 na biktima ng Typhoon Crising sa Baganga, Davao Oriental.


Nito ring Lunes, Agosto 2, nagbukas tayo ng ika-133 Malasakit Center sa Eastern Bicol Medical Center sa Virac, Catanduanes. Ngayong araw naman, Agosto 6, ay magbubukas tayo ng ika-134 Malasakit Center sa Talavera General Hospital sa Talavera, Nueva Ecija.


Tandaan na ang ating disiplina at kooperasyon ay makapagliligtas ng buhay ng ating mga kapwa. Bayanihan at malasakit ang solusyon para malampasan ang anumang pagsubok na ating haharapin!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page