Bawas-buwis, ipasa na — Robin
- BULGAR

- Jun 21
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | June 21, 2026

Photo: Robin Padilla - FB
Muling nanawagan si Senador Robinhood Padilla para sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 1450 o ang “Bawas Buwis, Ginhawa para sa Pilipino Act,” na layuning alisin ang Value-Added Tax (VAT) upang mabawasan ang pasanin ng mga Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Padilla na patuloy na nararanasan ng maraming pamilya ang epekto ng mataas na presyo ng pagkain, kuryente, tubig, pamasahe, at iba pang pangunahing pangangailangan kahit nagbabago-bago ang datos ng inflation.
"Habang patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain, kuryente, tubig, pamasahe at iba pang pangunahing pangangailangan, hindi makatarungan na patuloy ding pinapatawan ng 12 porsiyentong VAT ang ating mga kababayan. Sa panahon ng mataas na inflation, dapat gumaan ang pasanin ng mamamayan, hindi nadadagdagan," pahayag ni Padilla.
Aniya, higit na naaapektuhan ng inflation ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang limitado ang kita.
Layunin ng Senate Bill No. 1450 na alisin ang mga probisyon sa National Internal Revenue Code na may kaugnayan sa pagpapataw at pangongolekta ng VAT. Sa halip, iminungkahi ng panukala ang paggamit ng iba pang pagkukunan ng kita ng pamahalaan tulad ng piling excise taxes, digital economy levies, windfall profit taxes, at iba pang income-based tax systems.
Iginiit ni Padilla na ang pag-aalis ng VAT ay makatutulong upang madagdagan ang purchasing power ng mga Pilipino at magbigay ng mas malaking bahagi ng kanilang kita para sa pagkain, edukasyon, kalusugan, at iba pang mahahalagang pangangailangan.
Naniniwala rin ang senador na ang pagbabawas ng buwis sa konsumo ay maaaring magpasigla sa ekonomiya dahil magkakaroon ng mas malaking kakayahan ang mamamayan na gumastos, na makikinabang din ang maliliit na negosyo.
Aniya, ang kasalukuyang VAT system ay naging isang regressive tax burden na mas mabigat ang epekto sa mga low-income at middle-income na pamilya dahil nakadaragdag ito sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Dagdag pa ni Padilla na panahon na upang suriin ang kasalukuyang sistema ng pagbubuwis at magpatupad ng mas makatarungan at makataong patakaran para sa kapakanan ng mga Pilipino.





Comments