Marcos inimbitahan sa F1 Singapore GP

by BRT @News | October 7, 2026

Photo: F1 - Bongbong Marcos FB
Inimbitahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Formula One Singapore Grand Prix, ngunit hindi pa kinumpirma ng Malacañang kung dadalo siya sa karera.
Kinumpirma ni Palace press officer Claire Castro na may imbitasyon kay Marcos, ngunit sinabi niyang ang Pangulo mismo ang dapat mag-anunsyo kung dadalo siya.
Nasa Singapore si Marcos mula Oktubre 7 hanggang 11 para sa kanyang working visit. Pangunahing layunin ng biyahe ang paghikayat ng investments at pagpapalawak ng trade relations sa Singapore.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, personal na inimbitahan ni Singapore Prime Minister Lawrence Wong si Marcos sa Grand Prix at nakatakda rin silang maghapunan.
Gaganapin ang F1 race weekend sa Oktubre 9 hanggang 11 sa Marina Bay Street Circuit. Ilang beses nang dumalo si Marcos sa Singapore Grand Prix, kabilang noong 2022 at 2023.
Bukod sa F1 event, dadalo rin si Marcos sa Forbes Global CEO Conference at bibisita sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute para talakayin ang nuclear research, safety at regulation.





Comments