Bawal magtaas ng tuition fee bago matapos ang school year
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 2, 2022
Dear Chief Acosta,
Kahapon ay nakatanggap kami ng notice mula sa paaralan ng aking anak, kung saan ay inanunsiyo nila ang pagtataas ng tuition fee para sa kasalukuyang school year. Maaari ba nilang gawin ito gayung matatapos na ang school year? - Elizabeth
Dear Elizabeth,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinalakay na ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Khristine Rea M. Regino vs. Pangasinan Colleges of Science and Technology (G.R. No. 156109, November 18, 2004, Ponente: Retired Honorable Chief Justice Artemio V. Panganiban), kung saan sinabi na:
“Upon enrolment, students and their school enter upon a reciprocal contract. The students agree to abide by the standards of academic performance and codes of conduct, issued usually in the form of manuals that are distributed to the enrollees at the start of the school term. Further, the school informs them of the itemized fees they are expected to pay. Consequently, it cannot, after the enrolment of a student, vary the terms of the contract. It cannot require fees other than those it specified upon enrolment.” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, malinaw na pagkatapos ng enrolment at bago matapos ang school year, hindi na maaaring magbago ang mga termino ng kontrata, tulad ng pagbabago o pagtaas ng tuition fee, sa pagitan ng eskuwelahan at estudyante. Samakatwid, walang karapatan ang namamahala ng paraalan ng inyong anak na magtaas ng tuition fee bago matapos ang kasalukuyang school year.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments