Bawal mag-issue ng gift check na may expiry date
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 15, 2021
Dear Chief Acosta,
Binigyan ako ng mga gift checks ng local department store noong nakaraang buwan. Subalit, hindi nila ako pinayagang i-redeem ito kahapon dahil mayroon lang akong isang buwan para mag-claim bago ito mag-expire. Tiningnan ko ang mga nasabing gift checks at mayroong ngang nakasulat na maaari ko lamang i-claim ang mga ito sa loob ng isang buwan. Tama ba ang ginawa ng nasabing establisimyento? – Ayin
Dear Ayin,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong sitwasyon ay ang Section 16 ng Republic Act (R. A.) No. 10962, o mas kilala sa tawag na Gift Check Act of 2017, kung saan nakasaad na:
“Section 5. Prohibitions. - The following acts shall be unlawful:
(a) Issuing a gift check that bears an expiry date;” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, ipinagbabawal ng batas ang pag-iisyu ng gift check na may expiry date. Ibig sabihin, salungat sa batas ang ginawa ng nasabing establisimyento na pag-isyu ng mga gift checks na may expiry date.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments