top of page

Bawal ang diskriminasyon sa PWD sa pampublikong transportasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 24, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta


Isa akong Person with Disability (PWD) dahil sa nangyaring aksidente sa akin. Hindi na ako nakakapaglakad at gumagamit ako ng wheelchair. Gayunpaman, patuloy akong naghahanapbuhay. Ngunit kamakailan ay nakaranas ako ng diskriminasyon noong pumara ako ng pampasaherong jeep. Sabi sa akin ay kung hindi ako magbabayad ng mas mahal ay hindi nila ako isasakay dahil na rin sa wheelchair ko. Gusto ko lang malaman kung tama ba ito?

-- Estelita


Dear Estelita,


Upang maingatan ang karapatan ng mga tinatawag na “Persons with Disability,” minarapat ng ating mga mambabatas na maipasa ang “Magna Carta for Disabled Persons” o ang Republic Act No. 7277 (R. A. No. 7277). Ayon sa nasabing batas, tungkulin ng Estado na pangalagaan ang karapatan ng ating mga PWD, upang sila ay makapamuhay ng marangal at maayos sa ating bansa. 


Kinikilala rin ng Estado ang ating mga PWD bilang mahalagang kawani ng ating mga manggagawa o tinatawag na labor force. Kaya naman ipinagbabawal din ang pagdidiskrimina sa kanila sa anumang lugar, oras, o paraan. 


Sang-ayon sa Section 34, Chapter 2 ng R.A. No. 7277, bawal ang diskriminasyon sa ating mga PWD sa anumang pampublikong transportasyon: 


“SEC. 34. Public Transportation. -- It shall be considered discrimination for the franchisees or operators and personnel of sea, land, and air transportation facilities to charge higher fare or to refuse to convey a passenger, his orthopedic devices, personal effects, and merchandise by reason of his disability.”


Maliwanag ang nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na ipinagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon para sa ating mga PWD, sa anumang uri ng pampublikong transportasyon. Ipinagbabawal ng batas ang pagsingil ng mas mataas na bayad o pamasahe sa kanila, at lalong higit na ipinagbabawal na sila, pati na ang kanilang mga gamit na may kaugnayan sa kanilang kapansanan, ay pagkaitan ng serbisyong pangtransportasyon.


Sa iyong sitwasyon, maaaring hindi tama ang inasal sa iyo ng drayber ng pampasaherong jeep, sapagkat ikaw ay siningil niya ng mas mataas na pamasahe dahil sa iyong wheelchair. Ang kanyang ginawa ay maaaring pumasok o maklasipika bilang isang uri ng diskriminasyon na ipinagbabawal sa ilalim ng Magna Carta for Persons with Disability. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page